Aminado si Vice na wala siyang alam kung paano dahil nga digital na kaya ginawa niya ay pinanood niya lahat ng nag-concert thru digital tulad nina Regine Velasquez, Daniel Padilla at si Sarah Geronimo.
Kuwento nito, “Talagang pinanood ko yung mga recent concert nina Daniel, Regine, Sarah kasi wala akong idea how these digital concert happens. Wala akong idea kung paano ginagawa itong mga digital concert.
“May conscious effort ako na manood at bantayan yung ganap para may idea ako. ‘Yung show ko naman is different, very different from the concerts of singers, kasi hindi naman talaga ‘yon ang strength ko. Hindi ako super sing, hindi naman ako super dance.”
Nang marinig daw ni Vice ang salitang Gandemic habang nagbi-brainstorming ang Team Vice ay nagustuhan niya kaagad dahil magandang titulo nga kaya nabuo ang Gandemic: Vice Ganda, The VG-Tal Community Party Concert at gaganapin ito sa July 17. Mabibili ang tickets sa KTX.ph sa halagang P1,000 regular at P1,500 VIP.
Kuwento ni Vice ay sulit na sulit ang mga manonood ng concert niya dahil punum-puno ito ng magagandang kanta at saya mula sa mga kakaibang pagpapatawa niya na sinulat ng mga kaibigan niyang writers.
“Ang bentahe nitong concert ko, musical siya, may mga kanta, may mga saya, pero ang 90 percent niya is comedy. Ang hindi kine-cater ng ibang concerts or performances or events ng karamihan,” wika ni Vice.
Dagdag pa niya, “Kasi mostly, they are singers, they sing, they do beautiful production numbers, pero hindi sila nagpapatawa. Ang magpapatawa, kung meron silang komedyante na guests, very minimal yung comic relief.
“Ito talaga, not so much of the songs and the dances, kasi ibinibigay na ng iba ‘yon.
“Ako, ibibigay ko ang strength ko, super patawa, at yun ang gusto ko i-make sure talaga.”
Ang kaibigang si John Prats ang direktor ng Gandemic: Vice Ganda, The VG-Tal Community Party Concert at ang guest stars ay sina Moira Dela Torre, Ice Seguerra, Jake Zyrus at Anne Curtis.
Sana lang daw ay available dahil nabago ang streaming date.
“Originally, ang mga pinlano namin, Ice, Jake Zyrus, kasi gusto ko ng LGBT pink number na masaya.
“Nung una, si Ice nag-confirm. Tapos si Jake, inaayos yung schedule. Tapos si Moira, nag-confirm din, tapos si Anne Curtis.
“‘Yon yung original na plano. Pero since na-resched ‘yung date, hindi pa namin alam kung sino yung magko-confirm ulit. Sana makuha ulit namin sila.
“Gusto ko sana live (concert). Kaya lang, since ang sabi ni Direk Pratty, ‘Alam mo naman ang Internet sa Pilipinas at saka hindi pa natin masyadong gamay lahat ng itong digital concert, baka magkaroon ng aberya, nakakahiya sa mga taong magbabayad kung biglang mapuputol. So, mas maganda na i-tape as live tapos saka natin ipalabas,’” kuwento ni Vice.
Aminadong mahirap ang digital concert, “mahirap talaga siya, sobra siyang mahirap. Buti na nga lang, bago tayo magko-concert sa July, eh, nae-experience ko na siya sa Showtime. So napa-practice ko na siya sa Showtime na nagpapatawa ka, na dumadakdak ka na wala kang audience.”
“Ganun din naman’ yung vlogging – wala kang audience pero gumagawa ka mga content na nakakatawa tapos makikita mo na lang sa comment section kung gaano sila kasaya, kung gaano sila tawang-tawa
“Actually, nasasanay na nga din ako, sanay na rin ako ng walang audience dahil nagba-vlog ako tapos may Showtime. So, from my training sa comedy bar at sa live concert scene na may audience na marami biglang naging ganito na, so the only way is just adapt,” paliwanag ng It’s Showtime host.
Samantala, hindi pala gaanong apektado ang financial status ni Vice nang magsara ang ABS-CBN at sumabay pa ang pandemya.
“Yung sa franchise wala namang effect financially. Kasi may programa pa rin naman ako. Araw-araw kumikita pa din naman ako. In fact, may bago na naman nga akong programa, dalawa na naman yung magiging programa ko.
“So, hindi siya naka-affect sa akin financially in a negative way kasi kumikita pa din naman ako. Ang naka-affect sa akin nang malala financially hindi ‘yung kawalan ng franchise kundi yung pandemic mismo. Kasi hindi nga ako makapag-concert tour, eh, ang laki ng binibigay sa akin ng concert tour.
“Tapos yung raket sa labas,’ yung mga fiesta-fiesta na ini-enjoy ko. Yung mga corporate shows, pelikula, yon ang mga nawala sa akin, so malaki-laki din yon.”
“Hindi pa rin naman ako naghihirap dahil napakabait ng Diyos kasi binigyan niya ako ng maraming-maraming pagkakataon in the past para kumita at makapag-ipon. Kaya ngayong nasa ganito akong sitwasyon hindi ako salat na salat.
“Actually, may kakayahan pa rin akong mag-provide for myself, for the people I love at makapag-extend ng help sa mga taong pinipili mong tulungan. Nabawasan lang ‘yung kita dahil nawalan ng raket pero maayos pa rin naman ang kalagayan ko financially,” pagtatapos ni Vice.