Hindi papatulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkagat ni dating Supreme Court Chief Justice Antonio Carpio sa kanyang hamon na debate kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, itinalaga siya ni Pangulong Duterte na makipag-debate kay Carpio.
Paliwanag ni Roque, sinunod kasi ng Pangulo ang payo ng kanyang gabinete na huwag nang patulan si Carpio dahil walang magandang maidudulot ang debate.
Una rito, sinabi ng Philippine Bar Association na nakahanda ang kanilang hanay na magsilbing host sa debate nina Pangulong Duterte at Carpio.
Ayon kay Roque, dapat lamang abisuhan siya ng Philippine Bar Association kung kalian at kung saa ang debate.
“Ang sabi ni po na Presidente, tinatalaga niya po ang inyong abang lingkod na makipag-debate kay retired Justice Antonio Carpio. Tinanggap ko naman po ang pagtatalaga ng Presidente. Sabihin lang po ng Philippine Bar Association kung kalian, saan ang debate at sisipot tayo roon,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na hindi kailangan ni Duterte na makipag-debate dahil nakaupong pangulo siya habang si Carpio ay isang ordinaryong abogado na ngayon.
Hindi aniya patas na magharap ang dalawa.
Mahirap aniya na patulan ng Pangulo ang debate dahil lahat ng masasabi niya ay makaapekto sa polisiya ng gobyerno.