Wala nang hihigit pa sa alaga ng isang ina. Lahat ng sakripisyo, gagawin, lahat ng trabaho, kukunin, masiguro lang na masaya at maayos ang buhay ng buong pamilya. Bago pa man nagsimula ang pandemya, hindi na masukat ang pag-aalaga ng mga ina sa kanilang mga pamilya. Lalo pa itong pinaigting ng kasalukuyang sitwasyon na nagbigay ng mga bagong pagsubok para sa mga ina ng tahanang Pilipino. Paano nga ba nakakaraos sa araw-araw ang mga nanay na ang hangad lang ay makitang masaya, malakas, at komportable ang kanilang pamilya?
Ngayong araw ng mga ina, silipin natin ang buhay ng mga nanay na kinakaya ang araw-araw na hamon para sa kanilang mga mahal sa buhay. Alamin natin kung ano ang mga katangiang nagpapahintulot sa kanila na harapin ang bagong normal.
Tiyaga
Si Nanay Dianne, 35 anyos, ay tindera ng gulay sa Quiapo. Nagtatrabaho sila ng kanyang asawa na tricycle driver, upang suportahan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Simula nang i-implimenta ang quarantine restrictions, naging matumal ang benta ng kanyang mga paninda hanggang sa nabaon sila sa utang. Habang kumakayod silang mag-asawa, kwento niya, “Sa sobrang abala namin, hindi ko namalayan na hindi na pala nakakapag-submit ‘yung mga anak ko ng mga requirements sa modules nila.”
Hindi niya natutukan ang pag-aaral ng kanyang mga anak dahil kailangan niyang magtrabaho para masigurong mayroon silang kakainin araw-araw. “Kung pwede lang hatiin ang katawan ko, gagawin ko. Mahirap, pero kinakaya ko naman na tulungan sila sa modules nila. Basta tiyaga lang,” kwento ni Nanay Dianne.
Tatag
Isa pang kahanga-hangang ina ay si Nanay Josephine, 49 anyos. Siya ay solo parent sa tatlong anak, at may dalawa na siyang apo. Bago ang pandemya, mayroon siyang sari-sari store na bumubuhay sa kanilang pamilya. Subalit napilitan siyang isara ang kanyang tindahan dahil sila na rin ang kumakain ng kanilang paninda hanggang sa wala na siyang puhunan.
Maliban pa dito, iniwan ng kanyang anak ang dalawa niyang apo sa kanyang pangangalaga kaya tumatayo siyang ina, ama, at lola sa kanyang buong pamilya. “Hindi ko na rin alam ang gagawin ko minsan. Sa totoo lang, parang hindi sapat ang 24 oras para gawin ang lahat ng kailangang gawin, pero ito pa rin tayo — kailangang gumawa ng paraan. Hindi pwedeng mawalan ng pag-asa,” kwento ni Nanay Josephine.
Dahil sa matinding pangangailangan, namasukan na rin siyang labandera. Dalawang beses sa isang linggo, naglalaba siya para sa ibang pamilya para masigurong may ihahain sila sa kanilang mesa.
“Mahirap na nga ang buhay, lalo pang humirap dahil sa sitwasyon natin ngayon. Pero kailangan kong maging matatag, para sa akin at para na mismo sa mga binubuhay ko. Sino pang tutulong sa amin kundi ako na lang rin mismo,” kwento ni Nanay Josephine.
Diskarte
Diskarte naman ang puhunan ni Nanay Malou, 47 anyos, na namamasukan bilang kasambahay at tindera. Nang mabiyuda noong 2012, tumayo siya bilang ama at ina ng kanyang mga anak.
“Mag-isa kong itinaguyod at pinalaki ang aking tatlong anak, at malaking tulong ang aking trabaho. Kinailangan ko ng lakas ng loob para magpatuloy, dahil sa mga anak ko na umaasa sa akin. Malungkot at mahirap, pero sila ang inspirasyon ko,” kuwento ni Nanay Malou.
Ayon kay Nanay Malou, simula nang pumanaw ang kanyang asawa, binuhos niya lahat ng oras at lakas niya para sa kanyang mga anak. “Tinibayan ko ‘yung loob ko, lalo na ngayon. Pangarap kong makapagtapos sila ng pag-aaral at patuloy silang maging mabubuti at malulusog. Lahat gagawin ko, masiguro ko lang na sama-sama kami at hindi kami naghihirap hangga’t makakaya,” kwento niya.
Hahamakin ang lahat, mabigyan lamang ng magandang buhay ang pamilya — ito ang natatanging adhikain ng tatlong nanay na galing sa iba’t ibang lugar at sitwasyon. Matiyaga, matatag, at madiskarte –isinasantabi ang kanilang mga sariling pangangailangan. Sa sobrang busy sa pag-aalaga sa pamilya, , hindi na nila nabibigyan ng sapat na oras ang pag-aalaga sa sarili.
Ngayong panahon ng pandemya, napakahalaga pa naman na pagtuunan ang pag-aalaga sa kalusugang pisikal at mental. Kaya naman ang mga pribadong institusyon gaya ng Globe, ay nariyan upang ibigay ang suporta na kailangan ni nanay. Sa pamamagitan ng KonsultaMD at HealthNow, may makakausap si nanay na mga licensed doctors na makapagbibigay ng mga paraan para mapangalagaan ang kanyang mental health. Alagang maisusukli natin sa alagang kanyang ibinibigay.Ituro sa kanya ang mga paraan kung paano gumamit ng KonsultaMD at HealthNow na maaasahan sa pagbibigay ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong medikal.
Para sa KonsultaMD, tumawag lamang sa 79880 para sa mga Globe o TM users, o kaya naman ay sa 77988000 Globe landline upang makausap ang mga propesyonal na doctor na mabibigay ang suportang kailangan ng ating mga ina. Maari din i-download ang KonsultaMD app.
Para sa HealthNow, i-download lamang ang HealthNow app. Libre ang pagtawag para sa mga Globe at TM subscribers. I-click lamang ang Urgent Help button sa welcome page ng HealthNow.
Isang malaking pagpupugay sa lahat ng mga ina at mga tumatayong ina ng bawat pamilyang Pilipino, anuman ang panahon, wala mang okasyon. Para sa lahat ng mga inang nag-aalaga, tapatan din natin ng sukling alaga.