Ayon kay Mikee, mas marami pa palang mas magagandang qualities ang TV host-actress na hindi niya nakita noong hindi pa sila nagsasama as married couple.
Sa latest vlog ni Alex, sinabi ni Mikee kung gaano ka-understanding ang kanyang misis lalo na ngayong bihira lamang silang magkita dahil kadalasan ay nasa Lipa, Batangas siya bilang public servant.
“Majority ng week, Monday to Friday, minsan pati weekends, umuuwi ako sa amin sa Lipa.
“Siya naman busy din sa trabaho. Dapat magkasama kayo every day pero nauunawaan namin ang isa’t isa,” pagbabahagi ni Mikee.
Ngunit sinisiguro naman daw niya na nasa tabi siya ni Alex kapag kailangan siya nito, “Nag-commit ako na makasama siya habangbuhay.
“Siya na ang aking priority so siyempre, ipaparamdam ko sa kanya at ipapaalala ko palagi na nandito ako para sa kanya kahit hindi kami lagi magkasama, kahit minsan pauuwiin niya ako para lang matulog tapos babalik na ako ulit sa Lipa. Okay lang ‘yun dahil asawa ko siya,” paliwanag pa niya.
Ayon naman kay Alex, tinutulungan siya ngayon ni Mikee sa pagma-manage ng kanyang finances, “Natutunan ko to be really responsible and to really manage my finances. Tinutulungan niya ako kung paano ko tamang gastusin at saan ko dadalahin ang pera.”
Dagdag pa ng sister ni Toni Gonzaga, “Si Mikee noon pa man, understanding na siya. Pero noong magjowa kami, hindi niya pinakikialaman talaga ‘yung pera, wala siyang opinion or sinasabi.
“But now, binibigyan niya ako ng suggestions kung saan ko dadalahin ‘yung pera ko. Tinatanong ko siya kung okay ba ‘yung investments,” aniya pa.
Pangarap naman ni Alex na magkaroon ng dalawang anak five years from now, “We’ll probably have two kids, isang toddler and isang baby. Tapos nakatira na kami sa pinagagawa naming bahay na tinulungan kami ng parents namin pareho.”
Sa isang bahagi ng vlog, nagpasalamat si Mikee sa parents ni Alex dahil talagang sinusuportahan sila ng mga ito sa mga gusto nilang gawin bilang mag-asawa.
“At home na at home ako rito, masayang-masaya ako. Parang ayaw ko na nga umalis. Dito na lang tayo tumira. Ang dami kasing nagsasabi sa akin na mahirap tumira sa in-laws lalo na kapag lalaki pero dito, masaya. Very thankful ako sa parents niya,” pahayag pa ni Mikee.
Kung matatandaan, nagpakasal sina Mikee at Alex noong nakaraang Nobyembre, 2020 sa isang simpleng wedding ceremony sa bahay ng aktres sa Taytay, Rizal ngunit in-announce lamang nila ito sa publiko noong January.
Ayon sa mag-asawa, plano nilang magkaroon ng mas malaking wedding ngayong 2021.