NADUROG ang puso ni Kiray Celis nang makita nang personal ang kalagayan ng isang delivery driver.
Nag-post ng ilang photos si Kiray sa kanyang Twitter account with this caption, “Nagpadeliver ako from Laguna to Manila. At nung nakita kita ng personal, naluha nalang ako.
“Sa halagang 300 pesos ganun kalayo binyahe mo tapos yung topbox sa motor yung lalagyan sa likod, talagang tupperware box lang yung sayo tapos meron kang dalang packing tape.”
Napahanga si Kiray sa sobrang pagiging hardworking ng driver kaya naman binigyan niya ito ng kaunting tulong.
“Kuya, saludo ako sayo…sana itong post ko makita ng pamilya mo. Para malaman nila na sobrang hard working mo.
“Sana yung konting tulong ko sayo, eh makabili ka na ng topbox. Sana magkita tayo ulit kuya Roger,” say pa ni Kiray sa kanyang post.
Nagpasalamat si Kiray sa mga delivery drivers na walang takot na naghahatid ng deliveries kahit na may pandemya.
“Kaya sa lahat ng delivery drivers.. salamat po sainyo. Malaking tulong po kayo saming lahat ngayong pandemya. Na kahit may kumakalat na sakit eh hindi kayo natatakot maihatid niyo yung magandang serbisyo niyo samin. Salamat po,” say pa niya.
Marami ang natuwa sa pagpupugay ni Kiray sa mga delivery drivers na maituturing na unsung heroes ngayong may pandemya.
* * *
Isang bagong karakter ang makikiusyoso sa ginawang himala nina Mira (Andrea Brillantes) at Joy (Francine Diaz) sa bayan ng Hermoso sa pagpasok ni Mylene Dizon bilang isang mamahayag ngayong linggo sa Kapamilya teleseryeng “Huwag Kang Mangamba,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Pagkatapos kumalat ang balita tungkol sa milagrong nagpagaling sa isang pulis, naging determinado si Eva Marquez (Mylene) na gawin ang sariling pananaliksik upang malaman ang totoong kwento sa likod nito.
Hangad din niyang makausad bilang investigative journalist kaya naisip niyang magandang pagkakataon ito para sa kanyang karera.
Habang pinagpipiyestahan pa ng mga tao ang nangyaring himala, abala naman sina Mira at Joy sa paghahanap ng kani-kanilang mga ina at patuloy na nagdarasal kay Bro upang gabayan sila sa tamang landas.
Kahit wala pang nakukuhang impormasyon tungkol sa ina, may tiwala si Mira na makakasama ulit niya ito lalo na’t nangako si police chief Fidel (Allan Paule) na tulungan siya.
Umiigting naman ang mga katanungan ni Joy tungkol sa kanyang ina habang mas marami siyang nadidiskubre tungkol sa kanyang pagkabata.
Makuha na kaya nina Mira at Joy ang kasagutan tungkol sa kanilang mga ina? Ano ang matutuklasan ni Eva sa himala?
Kumuha ng pag-asa at inspirasyon sa panonood ng “Huwag Kang Mangamba” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix.