Ang patuloy na pangangamkam ng China ng ating mga teritoryo sa West Philippine Sea at ang mga nagsusulputang community pantries sa iba’t ibang lugar dala ng kagutuman sa panahon ng pandemya ang naging mainit na usap-usapan sa social media, matapos magsalita ang Pangulo tungkol dito noong Lunes.
Sinabi ng Pangulo na ang China ay ating “benefactor” at dapat itong pasalamatan sa mga naitulong nito noon at sa kasalukuyan. Hindi na ito bago, nauna na niyang sinabi na tayo ay may “utang na loob” sa China na kanyang tinawag na “good friend”. Nasabi ng Pangulo ito sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea at matapos sabihin na wala tayong kakayanan makipagdigmaan sa China at paalisin ito sa mga illegal na kinamkam na lugar sa West Philippine Sea.
Kasama tayo sa mga kumontra at nagsalita laban sa nasabing pananaw ng Pangulo. Ang ganitong pananaw ay isang pag-amin ng ating kahinaan. Isang pagtanggap ng pagkatalo. Isang pagbalewala at pagbasura ng desisyon ng UN Arbitral Tribunal na una nang kinilala at pinagtibay ang ating karapatan sa West Philippine Sea. Isang pagtanggi at hindi pagtupad ng ilan niyang constitutional at statutory obligations gaya ng ipatupad ang batas at pangalagaan ang yaman-dagat ng bansa sa mga karagatan nasasakop nito na dapat ilaan lang ang paggamit at pagtatamasa sa mga mamayang Filipino.
Nakakalungkot na nagmukang kaawa-awa tayong bansa na kinakayan-kayanan ng China. Walang mutual respect na umiiral dahil hindi naman nila nirerespeto ang ating karapatan at teritoryo sa West Philippine Sea na kanilang kinakamkam.
Hindi kaila na sa simula ng umupo sa kapangyarihan ang Pangulo, sinulong na niya at ng kanyang administrasyon ang tila o mala “appeasement policy” (foreign policy strategy of making concessions to an adversary) tungkol sa isyung West Philippine Sea. Bagay naman na hindi naging epektibo at sinamantala ng China dahil nagpatuloy pa rin ito sa walang habas, tigil at pakundangan pagsakop ng ating mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Katulad ng halos lahat ng sambayanang Filipino, hindi natin hinahangad na tayo ay makipagdigmaan sa China. Walang gustong pumasok sa isang digmaan. Maaari at may mga paraan naman upang protektahan at ipaglaban ang ating teritoryo sa West Philippine Sea laban sa agresibong pangangamkam ng China na hindi kailangan gumamit ng dahas o sa pamamagitan ng digmaan.
Nagawa ng Vietnam at Indonesia na protektahan ang kanilang mga sinasabing teritoryo laban sa China na hindi dumaan sa digmaan. Hindi rin naapektuhan ang kanilang relasyong ekonomiya sa China ng kanilang iginiit at pinaglaban ang kanilang teritoryo kaya hindi dapat matakot tungkol dito kung ito ang kinababahala natin.
Kung nagawa ito ng Vietnam at Indonesia, walang dahilan at duda na kaya rin natin itong gawin. Bukod dito, may mga iba pang paraang diplomasya na maaari natin gawin na hindi naman mukhang isinusuko natin ang ating soberanya, teritoryo at lalo na ang ating dangal at dignidad bilang isang malayang bansa.
Ang isyu tungkol sa halos 1,000 na ngayong mga community pantries na nagsulputan mula ng ito ay inumpisahan ng 26-anyos na si Patreng (Ana Patricia Non) sa Maginhawa St., Quezon City ay hindi rin nakaligtas sa puna ng Pangulo noong Lunes.
Pinasaringan nito ang mga community pantries na maaaring malabag ang mga ipinatutupad na health protocols na magdudulot ng pagkalat ng COVID-19.
May punto ang Pangulo dito. Pero hindi dapat tayo mabahala dahil sa ating pagkakaalam at ating nasaksihan, mahigpit na pinatutupad ng mga organizer ang health protocols sa mga community pantries gaya ng pagsuot ng face mask at face shield at social distancing.
Aminin natin na hindi katanggap-tanggap sa mga namumuno ng ating gobyerno ang mga community pantries dahil ito ay salamin ng kanilang pagpapabaya at pagkukulang na tugunan ang kagutuman sa panahon ng pandemya. Ang mga community pantries ang magpapaalala sa sambayan na bigo ang gobyerno. Ang mga community pantries ang simbolo ng kahirapan at maling pamamahala ng mga namumuno.
Kaya para sa mga organizer ng mga community pantries, dobleng higpit sana natin ipatupad ang mga health protocol. May mga taong may mga pansariling interest na naghihintay na kayo ay magkamali. Huwag natin silang bigyan ng dahilan at pagkakataon na maipasara at mapatigil ang tunay na bayanihan ng sambayanan–ang mga community pantries.