DALAWA sa mga pinapangarap ni DJ Loonyo para sa kanyang pamilya na narito sa Pilipinas ay nabigyan na niya ng katuparan.
Ayon sa sikat na dancer-choreographer at TikToker, matagal na niyang gustong bigyan ng bonggang house and lot ang pamilya matapos mawala ang kanilang bahay nang dahil sa mga utang at pagpapagamot sa yumao niyang ama.
Pag-alala pa ni DJ Loonyo, ilang beses din silang nagpalipat-lipat ng nirerentahang bahay noon at tanging ang nanay lamang niyang midwife ang nagtataguyod sa mga pangangailangan nila.
Sa kanyang Facebook account, ibinandera ni DJ Loonyo ang ipinatayong bahay sa nabili niyang lupa at ang negosyong naipundar niya para sa kanyang pamilya.
“Eto yung naging hugot ko last year at sa awa ng DIYOS, biniyayaan niya ako ng platform at responsibilidad as DJ LOONYO na nagbigay tuwa at saya simula last year dahil sa mga dance challenges na ginawa ko sa China,” bahagi ng caption ng isa sa mga phenomenal TikToker.
Patuloy pa niya, “Nagkaroon ng maraming biyaya at ito’y inipon ko para makabili ng lupa at makapagpatayo ng bahay para sa pamilya ko. Talagang trabaho kung trabaho kahit nagkakasakit at patuloy pa din sa pangangarap.”
Pagbabahagi pa niya sa kanyang mga tagasuporta, masayang-masaya rin siya dahil nagsimula na rin ang journey niya sa pagnenegosyo na siyang pinagkukunan ng kanyang nanay para sa pang-araw-araw nilang gastusin.
Pinasalamatan din niya ang kanyang kapatid na talagang tumutulong at sumusuporta sa lahat ng kanyang mga ginagawa.
“Ngayon, sabi ko gagawa ako ng business para sa pamilya ko, at NAGPAPASALAMAT AKO SOBRA KASE ANDUN ANG KUYA KO para i-manage at talagang tulungan ako sa business na yun.
“Dahil pina-retire ko si mama, pinagdasal ko na bigyan sila ng business para dun na makukuha lahat ng mga gastusin at iba pa,” dagdag pang pahayag ng DJ.
Sabi pa niya tungkol sa naipundar na business, “Ma, eto na. Maliit man ngayon pero naniniwala ako na lalaki at dadami pa to balang araw.
“Know that mahal na mahal kita ma at IKAW ANG ISA SA MGA PINAKAMATIBAY NA INSPIRASYON KO,” mensahe pa niya sa ina.