Tuloy ang paghahanda

GENERAL SANTOS CITY — Maayong adlaw sa inyong tanan. Magandang araw po sa inyong lahat, lalung-lalo na sa mga sumusubaybay ng kolum na ito. Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan saan man kayo naroroon.

Sa pagpasok ng buwan ng Setyembre, sa pagpapalit ng panahon, patuloy ang paghahanda sa bawat oras, sa bawat paglipas ng sandali.

Pila na lang ka-semana Nobyembre na. Tuloy pa rin ang pagsasanay ko para sa aking pagbabalik sa ibabaw ng ring sa Nobyembre 23 (November 24 sa Philippine time).

Makakalaban ko rito ang dating kampeon at mas bata na si Brandon Rios.Kamakailan, maraming mga fans, kaibigan at kapamilya ang nabahala at nagtatanong sa napabalitang injury na natamo ko sa pag-eensayo.

Natapilok (na-sprain) ng bahagya ang aking bukung-bukong (ankle) nang maglaro ako ng basketball noong isang linggo. Pero huwag po kayong mabahala dahil hindi naman peligroso at delikado ang injury ko.

Matapos ang pagsusuri at pag-gamot ng aking doktor ay nakakatakbo na ako ngayon at naipagpatuloy ko na rin ang pag-train para sa laban. Nakapaglaro na nga uli ako ng basketball dito sa GenSan.

Bata, mabilis, mas matangkad at matayog ang ambisyon ng aking kalaban na si Rios. Ang kanyang edad ay 27 at tubong Oxnard, California.

Si Rios, na nakasama ko noong isang buwan sa China at sa US para i-promote ng aming laban, ay siguradong maghahanda rin ng puspusan upang pigilan ang aking misyon na makabalik sa rurok ng tagumpay.

Mabait at palabiro si Rios kasama ang kanyang trainer na si Roberto Garcia na siya ring trainer ng mga boxers na naka-spar ko na noong nagsisimula pa lang ako sa aking career may siyam na taon na ang nakakaraan.

Matagal na kaming magkakakilala ni  Ginoong Garcia sa larangan ng boxing at maraming tubong-Oxnard ang aking nakaharap na sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California.

Sinisiguro kong magiging mainit at kanapa-panabik ang magiging bakbakan namin ni Rios. Sa tagal na rin ng aking career, ang injury ay hindi na rin bago sa akin.

Isa sa pinakamahirap na sport ang boksing at lubos na marami ang peligro sa training. Isang maliit na pagkakamali ay pwedeng makapagpigil sa isang laban dahil sa karamdaman.

Ang sakit ay kasama at kaakibat ng aking “trabaho” at sa awa ng Poong Maykapal, nakakaraos naman ako sa hirap at sakripisyo na dinaranas sa bawat laban.

Inspirado po ako na maibalik ko ang dating saya ng aking mga kababayan na taas-noo na humaharap sa mundo sa bawat panalo na ating naitala.

Kung maliit na sakit lang ang matatanggap ko sa training, kayang-kaya kong tiisin ito upang maibigay ko muli ang dating respeto na tinamo ng bawat isa sa atin na iginawad sa bawat Pilipino saan mang panig ng mundo.

Para sa inyo ning tanan. Sana ay ipagpatuloy ninyo ang pagpapanalangin para sa ating tagumpay. Hanggang sa muling Kumbinasyon dito sa paborito nating Bandera. May Almighty God Bless Us All and Keep Us Safe Always.

Read more...