Julia etsapwera sa 7th anniversary post ni Joshua: I miss acting so much!

PITONG taon na pala sa showbiz si Joshua Garcia. Nag-post siya ng kanyang mga larawan sa Instagram bilang pag-alala sa kanyang anibersaryo.

Nilagyan niya ito ng caption na, “Celebrating my 7th year in showbiz. I miss acting so much, and I hope everything goes back to the way it used to be. Stay safe everyone, and I love you all.”

Kapansin-pansin na wala sa mga  ipinost ng aktor ang mga litrato ng dati niyang karelasyon at ka-love team na si Julia Barretto considering na naging parte ito ng kanyang showbiz career.

Ang una niyang pelikulang siya ang lead role ay ang “Vince and Kath and James” kasama sina Julia at Ronnie Alonte; first movie nila ng aktres ang “Love You To the Stars and Back”; support naman sila sa “Unexpectedly Yours” nina Robin Padilla at Sharon Cuneta; ang “I Love You Hater” kasama si Kris Aquino; at “Block Z” na huling pelikula nila bago nagkaroon ng pandemya. Nagka-partner din ang JoshLia sa teleseryeng “Ngayon at Kailanman.”

Pakiwari namin ay sinadyang hindi na talaga isinama pa ni Josh ang larawan ni Julia para hindi na ito pagmulan ng isyu at higit sa lahat alam na naman ng lahat na may iba nang karelasyon ang dalaga.

Anyway, ang mga larawang ipinost ng aktor ay mga alaalang hindi niya malilimutan sa nagdaang pitong taon niya sa showbiz.

Unang larawan ay tila nasa party siya at kausap si Direk Olivia “Inang” Lamasan na kung hindi kami nagkakamali ay ito ‘yung nagkatrabaho sila sa pelikulang “Barcelona: A Love Untold” (2016), na pinagbidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

May litrato ring nakayakap ang aktor kay Ms. Nora Aunor kung saan nakasuot siya ng t-shirt na may pangalang Vince na karakter niya sa pelikulang “Vince & Kath & James” na entry ng Star Cinema sa 2016 Metro Manila Film Festival.  May entry din noon ang Superstar na “Kabisera” kasama sina Ricky Davao, JC De Vera at Jason Abalos.

Hindi namin mamukhaan kung sino ang dalawang kasama ni Josh sa isa niyang larawan bilang cancer patient sa pelikulang “Love You To The Stars And Back” mula sa direksyon ni Antoinette Jadaone.

May litrato rin sila ng leading lady niyang si Janella Salvador sa teleseryeng “The Killer Bride” na dumalo sa isang blogcon.

Kasama naman ng aktor sa isa pang larawan ang ilang co-actors, production staff, road manager, at handler sa Binondo kung saan nag-shooting sila ng seryeng “Ngayon at Kailanman”.

Naka-post din ang larawan niya bilang sundalo sa “Medalya” episode ng “Maalaala Mo Kaya” (June, 2019) bilang si Ian Paquit kasama si Janice de Belen kung saan nanalo siya bilang Most Outstanding Performance by an Actor mula sa Gawad Lasallianeta 2019 at nominado naman sa parehong kategorya sa 33rd PMPC Star Awards for Television.

Naroon din ang solong larawan ng aktor na nakayuko habang papalabas ng simbahan na kuha sa music video na “Paubaya” ni Moira de la Torre. Katambal ni Joshua rito si Julia na may 27 million views sa kasalukuyan.

Iisa lang ang tanong ng followers ng aktor, “Bakit wala si Julia?”

Read more...