ANIM sa cast members ng hit Kapamilya series na “Bagong Umaga” ang kumpirmadong tinamaan at nakipaglaban sa COVID-19.
Nauna nang kinumpirma nina Heaven Peralejo, Nikki Valdez at Sunshine Cruz na nahawa sila ng killer virus ngunit matagumpay nila itong nalampasan kaya matatawag na rin silang COVID survivors.
Kahapon, sa finale presscon ng “Bagong Umaga” na magtatapos na nga ngayong linggo, umamin din ang iba pang cast ng serye na nagka-COVID sila kabilang na sina Tony Labrusca, Barbie Imperial at Keempee de Leon.
Ayon kay Tony, “Halos lahat kami COVID survivors. We’re working in a time of pandemic, it happens. But God is good. We all survived. That was pretty unforgettable.”
Nagnegatibo na ang hunk actor sa COVID-19 matapos sumailalim sa two-week self-isolation at nagpasalamat sa production team ng “Bagong Umaga” dahil sa pag-aalaga sa kanila.
“Sila talaga ‘yung naging family namin. Sila talaga ‘yung nag-alaga sa amin, made sure that we got home safe, that we had the proper meds, that the doctors were always taking care of us.
“Nakatulong talaga ‘yun. We were all handling it like a family, para no one felt left out and felt alone,” aniya pa.
Samantala, inamin din ni Barbie na isa rin siyang COVID-19 survivor. Wala na raw sana siyang balak ibalita ang naging journey niya sa paglaban sa killer virus para hindi na maalarma ang mga kapamilya at kaibigan niya.
“Kasi ako, palaging throwback ‘yung mga pino-post ko na photos and videos sa story ko. Baka kasi malito ‘yung mga tao na nakasama ko kung kailan ba talaga ‘yun, at baka isipin nila na nakasama ko sila noong day na ‘yun. Baka ma-alarm sila,” paliwanag ng dalaga.
Aniya pa, nagpa-isolate siya agad after ng lock-in taping nila at mabilis ding naka-recover.
Kuwento naman ng isa pang COVID survivor na si Keempee, grabe ang ibinigay na suporta sa kanilang Team “Bagong Umaga” noong nagpapagaling sila sa virus.
“Thankful talaga ako to the whole ‘Bagong Umaga’ family who prayed for all of us nagtsi-check every single day sa Viber, sa buong production and staff, na hindi kami pinabayaan all the way, na talagang inalagaan kami.
“Every day, tsini-check kung kumusta ang pakiramdam namin and everything. Nandoon ang family support ng bawat isa, e. Thankful ako. It’s not just about work, but the family na nabuo, ‘yung friendship, ‘yung relationships,” sabi pa ng aktor.
Samantala, natanong naman si Heaven kung ano ang realization niya matapos gumaling sa nakamamatay na virus.
Sabi ni Heaven, “Life is short. We should be more…present, kasi masyado tayong nag-iisip for the future. ‘Ano ang next kong work? Paano kumayod?’ Pero hindi natin naa-appreciate kung ano’ng meron tayo ngayon.
“Iyon ang isa sa mga nakuha kong lessons. Naging appreciative ako at mas naging close ako sa family. Mas gusto kong maipakita sa kanila, every second of the day, na mahal na mahal ko sila,” sabi pa ng dalaga.
Sabi naman nina Nikki at Sunshine kahit na nahawa sila ng COVID-19 ay wala silang pinagsisisihan na naging bahagi sila ng “Bagong Umaga” dahil naparami nilang natutunan sa serye at talagang parang tunay na pamilya na ang naging turingan nila.