Angel umaming nabawasan ang pinag-aaral na iskolar: Nahihiya ako sa kanila kasi…

HINDI napigilan ng Kapamilya actress na si Angel Locsin ang maiyak nang marinig ang birthday message sa kanya ng mga cancer patient at scholars na tinutulungan niya.

Isa-isang bumati kay Angel ang mga ito sa nakaraang episode ng programa niyang “Iba Yan” at nagpasalamat sa pagmamahal at patuloy na pagtulong sa kanila sa loob ng maraming taon.

Sinorpresa ang dalaga ng kanyang “Iba ‘Yan” family bilang bahagi ng selebrasyon ng kanyang 36th birthday last April 23. Nagsilbing host naman ang kaibigan niyang si Angelica Panganiban.

Ipinalabas sa nasabing episode ang  compilation ng mga video greeting mula sa kanyang personal beneficiaries na nasa pangangalaga ng Cancer Warriors Foundation, pati na rin ang mga scholar niya sa Bukidnon.

“Sana marami pa kayong matulungan na mga tao na katulad naming nangangailangan. Salamat sa pagtulong sa amin,” ang mensahe ng cancer patient na si Maynard Darang.

Sabi naman ni Ysabelle Castillo, na patuloy ding lumalaban sa cancer, “Isa po talaga kayong anghel.”

Nagbigay din ng message si Christopher Cayomoc, ang coordinator ng mga iskolar ni Angel mula sa Bukidnon, “Taos-puso kaming bumabati ng happy birthday, at maraming salamat sa binigay mong tulong sa mga scholars at sa aming lahat.”

Habang umiiyak, nagbigay naman ng mensahe ng pasasalamat ang aktres sa lahat ng nakaalala sa kanyang kaarawan, lalo sa mga taong natutulungan niya.

“Actually, nahihiya ako sa kanila, kasi ‘yung mga scholars natin sa Bukidnon, marami sila dati. Simula noong nawalan tayo ng franchise (ng ABS-CBN), hindi ko na mabigyan lahat,” ani Angel.

“Iilan na lang sila ngayon. Kaya medyo hindi ako makapagpakita sa kanila, kasi nahihiya ako, kasi ‘yung commitment ko, hindi ko na maibigay sa kanila.

“Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon, kasi parang feeling ko kulang pa,” pahayag ng fiancée ng film producer na si Neil Arce.

Pinuri at binigyang-pagkilala rin ni Angel ang production team ng “Iba ‘Yan,” dahil sa sipag at dedikasyon ng mga ito sa trabaho. Sa kabila ng banta ng pandemya ay talagang ginagawa pa rin nila ang lahat para makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.

“Iba ‘yung passion niyo sa trabaho. Lagi ko kayo talaga ipagmamalaki dahil nakahanap ako ng grupo na iba ‘yung malasakit sa mga tao talaga. Hindi lang ‘to basta trabaho; serbisyo talaga ‘to,” pahayag ni Angel na tinaguriang real life Darna.

Read more...