Pinusuan at ni-like agad ng libu-libong Pinoy ang evening gown ni Rabiya na very obvious ngang dinisenyo mula sa kulay ng bandera ng Pilipinas.
Ilang araw bago ang grand coronation, ibinandera nga ni Rabiya ang kanyang Filipiniana sa buong universe na talaga namang agaw-eksena sa social media.
Ang nasabing litrato ay ipinost sa Instagram page ng beauty camp na Aces and Queens at kuha ni Filbert Kung.
Ang nasabing gown ay gawa ng Florida-based Filipino designer na si Kirsten Regalado. Aniya, ang Filipiniana ay ginawa niya para kay Mateo at tinawag niyang Sunrise Gown.
Ang nasabing IG post ay may caption na, “Lalaban para sa Pilipinas.”
Nasa Florida, USA na ngayon si Rabiya at handang-handa na ngang rumampa sa 69th Miss Universe na magaganap sa darating na May 16 (May 17 sa Manila).
Samantala, trending na rin ngayon ang IG post ng Pinay beauty queen kung saan ipinakita niya sa madlang pipol ang kanyang itsura kapag walang make-up.
“I live in a cruel industry. I’m always compared to different girls. People have always something to say like, You’re not beautiful enough.
“You’re so thin. I don’t like what you wear.’ But then life is never superficial,” pahayag ni Rabiya.
Ipinagdiinan ng dalaga na mas mahalaga pa rin ang laman ng puso kesa sa panglabas na itsura.
“It’s not always what’s attractive to our eyes but it’s the love we choose to build, the connection we make to people and how we want to celebrate ourselves!” mensahe pa ng dalaga.
Aniya pa, “This is the real me. No make up. No heavy hair extensions. Nothing fancy to wear. Just me. Even in my simplest form, I know in my heart I am nothing less than phenomenal.”
Ilang kapwa beauty queens naman ang nag-comment sa post ni Rabiya.
“You are your OWN Queen! Go get that crown for all of us. We believe in you and you don’t need to prove anything,” sabi ni Samantha Bernardo.
“There’s one thing I am sure of. You are our Miss Universe Philippines 2020 and nobody can take that away from you,” komento naman ni MJ Lastimosa.
Kung papalarin sa laban, si Rabiya ang ikalimang Pinay na magiging Miss Universe after Catriona Gray (2018), Pia Wurtzbach (2015), Margie Moran (1973), at Gloria Diaz (1969).