NANINIWALA ang pamilya ni dating Pangulong Joseph Estrada na isa sa dahilan ng paggaling nito mula sa COVID-19 ay ang patuloy na pagdarasal ng kanyang mga tagasuporta.
Ngayong araw, masayang ibinalita ng anak ni Erap na si Jinggoy Estrada na makalalabas na ng ospital ang veteran actor-politician makalipas ang halos isang buwang pagkaka-confine.
Isinugod sa ospital nina Jinggoy ang kanyang 84-year-old na ama dahil sa iniinda nitong karamdaman hanggang sa magpositibo na nga ito sa COVID-19.
Sabi pa ng panganay na anak ng dating Pangulo masayang-masaya ang buong pamilya dahil nalagpasan muli ng kanilang ama ang isa sa mga pagsubok sa kanilang buhay.
Sa kanyang Facebook account, nagbigay ng updade si Jinggoy sa medical bulletin ni Erap kasabay ng pasasalamat sa lahat ng mga doktor na nag-alaga sa aktor simula noong maratay ito sa ospital.
Hindi rin niya nakalimutang banggitin ang lahat ng mga nagdasal para sa mabilis na paggaling ng kanyang ama.
Narito ang bahagi ng FB post ng dating senador: “MEDICAL BULLETIN OF FMR. PRES JOSEPH EJERCITO ESTRADA.
“Our family is overjoyed to announce that our father will finally be discharged from the hospital today.
“We would like to express our gratitude to his doctors for their expertise and care.
“We would like to thank everyone who prayed with us and supported us through this harrowing experience.
“But most of all, we would like to thank our Lord Almighty for His love and guidance through all of this.
“Muli, maraming maraming salamat sa inyong lahat!!!” mensahe pa ng aktor-politiko.
Kung matatandaan, March 28 dinala sa isang ospital sa Maynila ang dating Presidente dahil nga sa COVID-19. Sumunod dito, kinabitan siya noong April 6 ng mechanical ventilator matapos mahirapan sa paghinga.
April 13 naman nang magnegatibo na siya sa COVID-19 at April 20 naman nang ilabas siya sa intensive care unit (ICU) para ilipat sa regular room.