Kinumpirma ng asawa ng veteran singer na si Nerissa Wood ang malungkot na balita sa publiko kaninang umaga.
Ayon kay Mrs. Nerissa, bumigay ang katawan ng singer dahil sa mga kumplikasyon ng dinaramdam nitong sakit, partikular na ang pagkakaroon nito ng asthma.
Bumaba raw ang oxygen level nito kagabi base na rin sa pahayag ng doktor sa kanila.
Base sa panayam ng ABS-CBN sa naulilang misis ni Victor Wood, binawian ng buhay ang beteranong singer habang naka-confine sa New Era Hospital nang dahil sa COVID-19 complications.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagmamahal kay Victor Wood, at sa pamamahala ng INC (Iglesia Ni Cristo) para sa amin,” pahayag ni Mrs. Nerissa.
Aniya pa, “Sa mga kaibigan na laging andyan at sa mga anak niya na kahit malayo ay karamay ko at sa mga fans, salamat sa walang sawang suporta. Nawala man siya, mananatili ang kanyang mga kanta.”
Si Victor Wood ay isang Bicolano-American mestizo singer na siyang nagpasikat ng mga classic song na “In Despair,” “Mr. Lonely,” “I’m Sorry My Love,” “Crying Time,” “Where Is Your Heart,” “Carmelita” at marami pang iba.
Nakagawa rin siya ng ilang pelikula noong kabataan niya at nakatambal ang ilang kilalang aktres sa local showbiz kabilang na ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor.
Kung matatandaan, inamin din ni Victor Wood na inatake siya ng depression noong kasikatan niya hanggang sa mas maging malapit daw siya sa Diyos.
Balitang gagawin na rin ang life story ng Jukebox King ng Pilipinas na may titulong “The Victor Wood Story”.