Senior citizen namatay habang nakapila sa community pantry ni Angel: Humihingi po ako ng tawad sa pamilya…

KINUMPIRMA ni Angel Locsin na may senior citizen na inatake at namatay habang nasa pila ng itinayo niyang community pantry sa Quezon City.

Inako ng aktres ang kasalanan at responsibilidad sa nangyaring insidente at nangakong tutulungan ang naulilang pamilya ng pumanaw na matanda.

Balitang dead on arrival sa East Avenue Memorial Medical Center si Rolando dela Cruz, 67, at residente ng Marine Road, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.Nag-post ang Kapamilya actress at TV host sa kanyang Instagram account ng official statement hinggil sa masaklap na nangyari.

“Sa tingin ko, tama lang po na sa akin ninyo na marinig na totoo po ang balita na may inatake at namatay habang nasa pila ng community pantry. Senior citizen po sya na pumila daw po ng 3am at may nakainitan sa pila,” simulang pahayag ni Angel.

Patuloy pa niya, “Bago po ang lahat, humihingi po ako ng tawad sa pamilya. Kanina po pinuntahan at nakapagusap po kami ng personal ng mga anak nya sa ospital. At habang buhay po ako hihingi ng patawad sa kanila.

“Si tatay po ay isang masipag na ama na nagtitinda ng balut. Hindi ko man po sya nakilala pero sa pagkakakilala ko sa mga anak niya ay mabuti po syang ama at maayos nyang napalaki ang mga anak nya.

“Sa ngayon po, tinatapos na lang po namin na mabigyan ang mga nakapila. Ang iba po sa kanila ay xerox na ang order sheet nila pero nauunawaan po namin na lahat po ay hirap ngayon at tama lang po na mabigyan sila,” sabi pa ng dalaga.

Sabi pa ng Angel, “Meron po kaming tinayong fast lane para sa seniors na tent na may upuan nung mapansin po namin na maraming senior citizens ang nakapila kaninang umaga.

“Pero hindi naman po ibig sabihin na ini-encourage po namin ang mga seniors na lumabas at alam po natin na bawal po according sa iatf rules.

“Pagkatapos po, idodonate na lang po namin ang mga natitirang goods sa ibang community pantries at barangay.

“Ang nangyari po ay akin pong pagkakamali. Sana po’y wag madamay ang ibang community pantries na maganda po ang nangyari.

“Sa ngayon po, I will prioritize helping the family and I will make it my responsibility to help them get through this.

“I am very very sorry,” muling paghingi ng paumanhin ni Angel Locsin.

RELATED VIDEO

Read more...