MUKHANG ready na nga ang Kapuso actor at TV host na si Juancho Trivino sa pagdating ng panganay nilang baby ni Joyce Pring.
Kasalukuyang abala ang Kapuso couple sa pag-attend ng mga parenting classes, bukod pa sa paghahanda sa mga pangunahing gamit ng sanggol.
Tanong ng kanilang mga social media followers, magiging strict o lenient father kaya si Juancho sa unang anak nila ni Joyce?
Pagbabahagi niya sa isang recent interview, “Hindi ko pa alam, eh. Actually, pinag-uusapan namin ni Joyce ‘yun, someone has to be the good or the bad cop, so depende pa. Ang nakikita ko, strict but loving.”
Dagdag pa ni Juancho, magiging hands-on dad muna siya bago muling sumabak sa acting projects. Kailangang masiguro muna niya na maayos ang kanyang mag-ina.
“Very crucial kasi ‘yung first few months ng baby and I don’t want to burden Joyce with everything.
“Katulad ng mga nalalaman namin from the parenting classes that we go to, malaki ang part ng fathers pagdating sa first few months. Siyempre since first time namin ito, gusto namin ma-immerse, maramdaman ‘yung experience,” chika ng aktor.
Talagang excited na hindi lang ang JuanChoyce, pati na rin ang kanilang mga pamilya, malalapit na kaibigan sa industriya, at mga tagahanga sa nalalapit na pagdating ng kanilang magiging bundle of joy!
* * *
Nalalapit na ang pagbabalik-telebisyon ni Sen. Bong Revilla sa kanyang upcoming action-packed family drama series na “Agimat ng Agila” na mapapanood na sa susunod na buwan.
Gagampanan ni Bong ang karakter ni Major Gabriel Labrador, ang magiting na pinuno ng Task Force Kalikasan na magiging bagong tagapagligtas laban sa kasamaan matapos mabiyayaan ng kapangyarihan ng Agimat ng Agila.
Kuwento ni Bong, matindi ang paghahanda niya para sa kanyang role, “Dahil halos five years akong hindi nakaharap sa camera, and the circumstances behind it, ang ginawa kong mental attitude is para akong nag-uumpisa ulit.
“Matindi kasi ‘yung parang ring rust ng fighters. Siyempre ayaw natin i-disappoint ang ating mga tagahanga at manonood na matagal naghintay na mapanood tayo ulit,” pahayag ng actor-politician.
Sumabak din daw sa physical training ang aktor para sa bagong Kapuso serye, “I physically trained for no less than three hours a day for months – weights, running, cardio, muay thai, boxing at iba pang mixed martial arts. Nagte-train din ako sa weapons para lang bumalik ‘yung muscle memory.”
Makakasama ni Bong sa programa sina Sanya Lopez, Elizabeth Oropesa, Roi Vinzon, Benjie Paras, Allen Dizon, Michelle Dee, Edgar Allan Guzman, Miggs Cuaderno, at Ian Ignacio. May special participation din dito si Sheryl Cruz.
Abangan ang exciting adventures ni Major Gabriel sa world premiere ng “Agimat ng Agila” ngayong Mayo na pagkatapos ng “Pepito Manaloto”, sa GMA.