Tsubibo ng gobyerno

ALAM na ng mahihirap, ng arawang obrero, ang sabwatang Janet Napoles at magnanakaw na mga politiko sa Senado’t Kamara.

Napakahabang panahon na pala silang pinagnanakawan at ito’y alam ng pangulo, na siyang nag-aapruba ng pagpapalabas ng pera, ng Department of Budget and Management at ng Commission on Audit.

Bagaman matagal na ring alam ng taumbayan ang pagiging buwaya ng Kongreso, simula pa noong dekada 60 na nagsimulang sumibasib sa labis na ganid ang mga politiko (noon ay tinawag silang buwaya, at hindi pa magnanakaw, dahil wala silang kabusugan at ngasab nang ngasab ng pera at likas-yaman ng bansa), malakihang magnanakaw na sila ngayon, bigtime, dahil bilyones, at baka sa susunod na taon ay trilyones, na ang kanilang ninanakaw mula sa payat na payat na obrero sa pamamagitan ng agarang pagkaltas sa buwis sa kanya, dagdag pa ng SSS, Pag-IBIG, PhilHealth, atbp., hanggang sa kanin-baw na lamang ang kanyang maipakakain sa kanyang pamilya.

Sa mga komentaryong bumuhos sa pagtatapos ng nakalipas na linggo, ni isa ay walang tumalakay sa kasong kidnapping with serious illegal detention na binuhay (dahil ibinasura na ito noon) laban kay Napoles.

Laman, pati ng media na kaalyado, ang ninakaw na pera sa taumbayan (bago mapatalsik si Erap bilang pangulo, lumuluha ang isang Taipan sa napakalaking buwis na kanyang ibinayad sa Bureau of Internal Revenue.

Aniya, ang lahat ng kanyang ibinayad ay nanakawin lamang ng kagalang-galang na mga politiko.  Ang hikbi ng Taipan ay kanya na lamang sinarili sa malamig at mailawas na tanggapan, na tanaw ang dumadaang mga bus at iba pang sasakyan na ga-langgam na lamang dahil sa taas ng kanyang gusali).

Nakapagtatakang hindi nababahala ang mga politiko sa kasong kidnapping with serious illegal detention.  Bagkus ay nababahala sila sa kasong pandarambong na maaaring isampa kay Napoles, bagaman malayo pa ito, maliban na lamang kung madaliin at gawan ng paraan ng Malacanang, tulad ng isinampang sandamukal na ebidensiya kay Renato Corona, pati na ang lupang pagmamay-ari ni Ismael Mathay Jr.

Nakapagtatakang ngayon pa lamang ay isinusulong na ng grupo ng mga politiko na gawing testigo ng gobyerno (state witness) si Napoles para idiin at madiin ang kanilang mga kaaway sa politika, na higit na nakinabang kay Napoles kesa sa iba.  Ang kanilang bida, si Napoles ay sumusunod lamang sa kumpas ng Senate president, Speaker ng Kamara, pangulo, DBM at COA.

Nakakukumbinsi ang kanilang paliwanag na si Napoles ay nasa gitna lamang, kung ihahambing sa gusali, at ang nasa itaas ay ang Senate president, Speaker ng Kamara, pangulo, DBM at COA.Pero, sino ba talaga ang utak?

Si Napoles ba ang kumukumpas sa Senate president, Speaker ng Kamara, pangulo, DBM at COA kapag nalaman na niya na may pera na?

Malilinis ba, pati ang konsensiya, ng mga umihip ng pito (whistleblower), na ngayon ay idinidiin si Napoles, na siya ring nag-utos na sirain ang ebidensiya na tuwirang maglalahad kung magkano ang napunta sa mga senador at kongresista bilang kaparte ng dinulang ng demonyo?

Sandipa ang kaparte, sinlalim ng balon ang ninakaw?  Maliligtas ba si Napoles kapag siya ang idinineklarang state witness at ang kasong pandarambong ay kailangan nang isampa, base sa kanyang testimonya, sa limang senador at 23 kongresista?

Bagaman nakakulong, at inilipat, na si Napoles sa Fort Santo Domingo, Santa Rosa City, Laguna, ang himpilang pagsasanay ng National Police Special Action Force, kailangang bantayan ng mahihirap, at huwag kalimutan, ang kanyang kaso.

Sa kasalukuyang kalakaran, ginagamit ang kontrobersiya ni Napoles ng mismong gobyerno para makalimutan ang 10 milyon na nagugutom at ang 20 milyon na nawalan ng trabaho, hindi kasama ang mga nawalan ng trabaho sa Middle East sa maraming kadahilanan.

Naisantabi na ang problema sa baha sa Metro Manila, na isinisi sa mga squatter (wala pa silang isang milyon), at hindi sa pinabayaang paghuhukay sa Laguna de Bay.

Hindi na rin pinapansin ng Malacanang ang araw-araw na baha sa Mindanao.  Mas lalong hindi na rin pinapansin ng Malacanang ang walong oras na araw-araw na brownout sa Lanao del Norte at Misamis Oriental sanhi ng isinasagawang pagkukumpuni sa dalawang malalaki at pangunahing generators.

Di inaasahang huminto ang Unit 2 ng STEAG State Power Inc. (SPI), ang plantang ginagatungan ng uling nang magkaroon ito ng “technical problem” noon pang Hulyo 29.

Sa Metro Manila, at pangunahing mga lungsod sa Luzon, Visayas at Mindanao, sumambulat ang pag-aaral na mas marami na ang menor de edad na lasenggo kesa mayor de edad.

Ayon kay Quezon Rep. Angelina Tan, kailangang ipakulong na ang mga menor de edad na lasenggo, lalo na ang nagpapakita ng pekeng ID na sila’y 18-anyos na, makabili lamang ng alak sa mga convenience stores sa dis-oras ng gabi.

Huwag tayong papayag na isakay sa tsubibo ng mga isyu ng gobyerno para makalimutan ang kanilang obligasyon sa atin.

Read more...