MATAPOS sumunod sa ipinatutupad na sistema at patakaran ng pagtanggap ng COVID-19 vaccine sa Pasig City, nabakunahan na rin ang nanay ni Mayor Vico Sotto na si aktres na si Coney Reyes.
Isa ang award-winning veteran actress sa mga libu-libong Pasigueño at senior citizen na naturukan ng anti-COVID vaccine kahapon ng umaga.
Mismong ang alkalde ng Pasig ang nagbalita sa publiko sa pamamagitan ng Twitter hinggil dito. Ipinost pa niya ang litrato ni Coney pagkatapos mabakunahan at nilagyan ng caption na, “This AM, my mom was the 6,318th Pasigueño senior to get vaccinated!”
Ibinandera rin ni Coney sa kanyang Instagram account ang pagtanggap sa una niyang bakuna kalakip ang larawan kung saan hawak niya ang isang karatula na may nakasulat na, “I got vaccinated!”
Nauna nang ipinahayag ni Vico na pasok sa kuwalipikasyon para mabakunahan agad ang ina dahil bukod sa senior citizen ay may comorbidity din ito. Pero aniya, walang palakasan sa Pasig kaya dumaan din sa tamang proseso ang beteranang aktres.
Sa kanyang Facebook Live update noong Lunes, April 12, sinabi ni Vico na pumila rin ang kanyang ina bago maturukan ng unang dose ng bakuna.
“Alam n’yo naman, senior citizen si Mama. Sabihin ko na, hindi naman siguro siya magalit, 67 years old. Nasa Google naman ‘yan kung i-search ninyo, e. Sixty-seven years old po ang nanay ko.
“May comorbidities din po siya. Hindi ko na po sasabihin kung anong comorbidities niya. Lumalabas pa siya kapag may trabaho. So, dapat din talagang mabakunahan,” paliwanag ng batang alkalde.
Samantala, nagbigay din ng update si Vico sa vaccination program ng local government units (LGU) sa National Capital Region (NCR), “Ni-review ko kaninang umaga ang datos ng NCR #vaccination. Minsan feeling natin may mas mabilis o mas mabagal pero ang totoo magkakalapit lang ang porsyento ng nabakunahan na sa 17 LGUs ng NCR.
“Nakabase kasi sa populasyon ang binababa ng DOH (Department Of Health). Wala pang LGU order na dumarating,” aniya pa kasabay ng pagkumpirma na mahigit 24,000 residente na ng Pasig ang nabakunahan.
“Thank you for your patience. We’re introducing updates to the Pasig Health Monitor so that we can confirm receipt of your updates in a more timely manner.
“But rest assured that as long as you’ve updated your Profile, you’re on the list. Strictly ‘first-to-update-first-served’ for people of the same priority group. Pls wait for the text; don’t walk-in,” pahayag pa ng anak nina Coney at Bossing Vic Sotto.