Gerald sumugal sa pag-ibig: Nanganib ang reputasyon ko, ang pangalan ko, pero ganu’n talaga, e!

HANGGANG saan nga ba ang kaya mong isakripisyo sa ngalan ng pag-ibig at sa mga taong pinakamamahal mo?

Isa yan sa mga tanong na sinagot ng mga bida sa upcoming drama series ng ABS-CBN na “Init Sa Magdamag” na sina Gerald Anderson, JM de Guzman at Yam Concepcion.

Ayon kay Gerald, naisugal na rin niya ang pangalan pagdating sa usapin ng sa pag-ibig to the point na halos masira na ang reputasyon niya dahil dito.

“Marami na rin akong naibigay para sa pagmamahal. Kumbaga siguro, nanganib ‘yung reputation, nanganib ‘yung pangalan, nanganib ang pinaghirapan ko for so many years, just like that.

“But, sabi nga kapag mahal mo talaga ang isang tao and you feel na ginagawa mo lang naman kung ano ang tingin mo ay dapat, tuloy lang ang buhay,” pahayag ng Kapamilya hunk actor sa panayam ng “We Rise Together”.

Wala mang binanggit ang binata, maaaring ang pinatutungkulan niya ay ang pag-amin niya last month sa  tunay na estado ng relasyon nila ni Julia Barretto ilang buwan matapos ang kontrobersyal na paghihiwalay nila ni Bea Alonzo.

Patuloy pa niya, “Siguro hindi talaga maiintindihan. I mean sa kahit anong aspeto ng buhay, hindi lang pagmamahal, may mga ibang opinyon talaga ang mga tao which is hindi natin kontrolado.

“And kung iisipin natin palagi yan, ibig sabihin hawak tayo sa leeg ng mga tao na yan, hindi ba? Iba rin ang panahon ngayon dahil sa social media.

“Kumbaga sa cellphone parang kasama mo ang mga hindi mo naman kakilalang tao na nagko-comment sa sala mo, sa kwarto mo,” paliwanag pa ni Gerald.

Pahabol pa niya, “You just have to pick your battles and prioritize kung ano ang importante sa iyo at ano ang mahalaga.”

Sabi naman ni JM, napakarami siyang natutunan sa mga nagawa niyang sakripisyo para sa pagmamahal kasabay ng pag-amin na sa apat na nakarelasyon niya sa showbiz, dalawa rito ang talagang matindi ang epekto sa kanya.

“Marami na yata akong na-sacrifice. Pero worth it naman kasi may natutunan ka rin. Laging worth it ang love,” aniya.

Para naman kay Yam, “Feeling ko, kapag mahal mo ang isang tao, hindi mo siya bibigyan ng ganu’ng struggle, hindi mo bibigyan ang tao, ‘yung mahal mo, ng something to sacrifice para sa pag-ibig.

“Kasi if it’s really true love then whatever you know whatever she wants to do ibibigay mo sa kanya ‘yon kasi kaligayahan niya ‘yon,” chika pa ng sexy actress.

Mapapanood simula sa April 19 ang “Init sa Magdamag” sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, TV5, TFC, Kapamilya Online Live, iWant TFC, WeTV at iflix.

Read more...