INAMIN ng bagong Kapamilya star na si Janine Gutierrez na sumailalim din siya sa therapy nu’ng mga panahong down na down siya at naguguluhan sa kanyang buhay.
Nagkaroon ng question and answer session ang dalaga sa kanyang Instagram Stories kung saan sinagot niya ang ilang kontrobersyal na tanong ng kanyang mga social media followers.
At isa ngang netizen ang nagtanong sa kanya ng, “What did you do when you were at your lowest?”
Hindi naman naglihim ang award-winning actress at lead star ng pelikulang “Dito At Doon” na humanap siya ng taong maaaring makakatulong sa kanyang mental health.
“I went to therapy, it has saved me XX times and I highly recommend it. If you’re feeling lost or low, don’t be afraid to reach out,” tugon ng girlfriend ni Rayver Cruz.
Ayon kay Janine, napakalaki ng naitulong ng therapy para maliwanagan ang mga bagay-bagay na bumagabag sa kanya at maintindihan ang kanyang mga nararamdaman.
“Everyone has their own experience, but it has helped be because I’ve always come out of it with a new perspective.
“It’s helped me focus on what I can actually do instead of feeling overwhelmed and anxious and hopeless. It’s handed me back my future a few times,” paliwanag pa ng aktres.
Dagdag pa niyang pahayag, “I would go to the Bulatao center in Ateneo.” Inilagay din niya sa kanyang post ang link ng nasabing therapy center para sa mga nagnanais itong subukan.
* * *
Pansamantala munang hindi mapapanood sa telebisyon ang original reality kiddie singing competition ng Kapuso Network na “Centerstage” simula ngayong Linggo (April 18).
Bilang pagsunod sa taping protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, pansamantala munang ititigil ng GMA ang pag-ere ng “Centerstage” hosted by Alden Richards, sa loob ng tatlong linggo.
Wala naman dapat ikalungkot ang viewers dahil sa May ay muling sasabak ang Bida Kids sa mas matinding pasiklaban hanggang grand finale.
Samantala, balikan naman ang nakakabilib na performances ng Clashers sa flashback specials ng singing competition na “The Clash” mula Season 1 hanggang Season 3 na pansamantala munang mapapanood sa timeslot ng “Centerstage”.