Kahit hindi COVID-19, bawal magkasakit at maospital ngayon

Nitong nakaraang weekend, personal kong naranasan ang maospital nang isugod ako hindi dahil sa COVID-19 kundi sa pagdurugo at pagbara ng aking pag-ihi.

Biyernes ng gabi, nagpasya ang pamilya kong dalhin ako sa NON-COVID emergency room ng St. Lukes Hospital QC, sa utos ng aking urologist na si Dr. Josefino Castillo.  Ako po’y retiradong 65 years old, may hypertension, diabetic  at tinanggalan ng “prostate” dahil sa cancer noong 2018. Sumailalim din ako ng 40-araw na radiation sessions upang tuluyang sunugin ang mga natitirang cancer doon. Kaya naman, nataranta ako sa pagbabara ng aking urinary tract at ang pagdaloy ng maraming buo-buong dugo.

Pagsapit ng ospital, nagpalista kami sa admission pero ito’y nasa labas ng emergency COVID-19 room, kung saan nakapila rin  ang limang “positive” at asymptomatic  COVID-19 patients. Umiwas ako at naituro naman sa Non-COVID ER na nasa lugar ng  dating St Lukes Chapel sa 2nd floor. Hindi naman siya puno at inasikaso agad ako ng resident urologist.  Makalipas ang ilang oras ng pagtitiis , nilagyan ako ng catheter at na-iflush ang halos isang litro ng pulang likido ng dugo at ihi  sa collection bag. Nagpatuloy ang pagdurugo sa buong madaling araw na iyon at kinailangan na akong i-admit sa ospital. Sabi ng doktor ko, bukas na bukas din ay ooperahan ako dahil kailangang malaman at mapigilan ang dahilan ng pagdurugo.

Pero, may kundisyon ang ospital, kailangang sumailalim kaming mag-asawa sa RT-PCR test na tig-12K ang presyo, na ang resulta ay sa loob ng dalawang oras. Sinabihan pa kami na kung negative, hindi makakalabas si misis ng ospital hanggang checkout at walang papayagang bisita. Kapag “positive”, iba na ang magiging kwento.

Mabuti naman at negative kami, pero halos umaga na nang magkaroon kami ng kwarto. Doon nagsimula ang maraming vital tests para ihanda ako sa operasyon. Walang tigil din ang pagbomba ng dextrose sa aking bladder  at marami bag ng dugo ang nakukuha ng nars. Sa ulltrasound, nakita na merong higit 40 ml ng “blood clots”  na nagbabara sa aking urinary tract na siyang target ng operasyon.

Isa pang isyu ang “anesthesia” sa akin. Ayaw kasi ng pulmonologist ko ng “general” dahil baka hindi na raw ako magising kayat “spinal” ang ginamit kung saan “sedated” ako at gising habang ginagawa ang operasyon. Alas tres ng hapon, sinimulan ang “procedure” at makalipas ang halos dalawang oras, binulungan ako ng doktor ko na nakita na nila ang pinanggalingan ng dugo at napigil na ito. Maari na raw akong lumabas kinabukasan.

Nang muli akong magkamalay, nasa recovery room ako pero hindi ko pa rin maigalaw ang hita at paa ko. Dakong 9pm nang ibalik ako sa kwarto kung saan, nakakain at nakainom ako ng tubig matapos ang 28 oras.

Kinabukasan, bumuti na ang pakiramdam ko at sa aking wari, minamadali ng ospital ang paglabas ko. Naiintindihan ko dahil talagang delikadong mahawa ka sa COVID-19 habang naroon. Ang patakaran daw ay 2-3 days lamang at  pauuwiin na ang non-COVID-19 patients at sa aking kaso, halos isang araw pa lang ako sa kwarto.

Sa kabuuan, talagang bilib ako sa mga safety procedures ng ospital lalo na sa pag-iingat na magkahawaan sa COVID-19. Talagang nakahiwalay at “secured” ang ER, OR at mga kwarto ng non-COVID cases.

Kaya naman, taos pusong pasasaalamat sa Diyos at ako’y nakaraos sa bagong buhay.  At siyempre salamat din kay Dr. Josefino Castillo,  sampu ng mga frontliners na tumulong sa akin.

Mahirap po ang pinagdaanan ko lalo na ang higit 6-figure hospital bills na halaga ng aking karanasan. Pero ibang kwento na po yon.

Ang mahalaga, iwasan talaga nating magkasakit at maospital sa mga panahong ito.

 

Read more...