MAY nadiskubre ang pamilya ni Jean Garcia matapos i-cremate ang labi ng yumao niyang inang si Sandra Panganiban Garcia.
Pumanaw si Gng. Sandra noong nakaraang linggo matapos tamaan ng COVID-19. Siya ay 70 years old. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sina Jean na wala na ang kanyang pinakamamahal na ina.
Nagbahagi ang Kapuso actress ng ilang detalye hinggil sa mga huling araw ni Gng. Sandra habang nakikipaglaban ito sa nakamamatay na virus.
Kuwento ni Jean sa panayam ng GMA, 10 ospital ang pinuntahan nila bago na-admit ang ina at at doon pa nila nalaman na meron na nga itong COVID.
“Siguro more than 10 (na ospital ang pinuntahan) kasi 2 a.m., e, nakapasok siya sa Cardinal (Santos Medical Center) 3 p.m. e. Ganu’n kagrabe.
“Wala naman siyang fever, no cough, no colds, no difficulty in breathing. Wala naman ganu’n si mommy. Humina lang kumain.
“Hindi talaga ako makapaniwala. Paano? Paanong nangyari? Bakit nag-positive si mommy? ‘Di ba hindi naman tayo lumalabas, hindi rin siya lumalabas. So, sabi ko, pa-test n’yo ulit. Pina-test ko pa nang dalawang beses at talagang positive,” lahad ni Jean.
Ang hinala nila, posibleng nahawa ang ina sa kanyang caregiver dahil nag-positive din ito sa COVID-19 pero asymptomatic.
Napakasakit daw mawalan ng mahal sa buhay ngayong panahon ng pandemya dahil hindi nabibigyan ng mahaba-habang panahon ang naulilang pamilya para magluksa at makapiling ang labi ng pumanaw.
Ngunit ayon kay Jean, may iniwan namang napakaganda at walang katumbas na halagang “pamana” ang kanyang ina. Matapos i-cremate ang labi nito noong Linggo, April 4, nalaman nilang may “green bones” ang kanyang ina.
“Bago pa mag-end nu’ng cremation, mayroon siyang green bones. So pagbaba ko na, ang daming message galing sa mga Chinese friends ko pati in-explain sa akin ng Arlington na pinagmamalaki nila na may green bones si Mommy.
“’Yung green bones pala it’s very rare. Hindi lahat ng tao pag sinunog meron nu’n. ‘Yung green bones daw ang ibig sabihin nu’ng nabubuhay pa si Mommy napakabuti n’yang tao sa kapwa n’ya.
“Kaya sa Chinese raw, that’s very rare and very lucky, which is totoo naman. Wala siyang meanness sa katawan, maski sa mga kapatid n’ya. Nang tumanda siya mas lalo siyang naging mabait,” pagbabahagi ni Jean.
Aniya pa, “Sabi ko nga, ‘Good job, Mommy.’ At kung mamatay man ako, magpapa-cremate din ako at sana may green bones din ako.
“Ganu’n ako ka-proud sa mommy ko at kahit namatay siya, may ikakaproud kaming magkakapatid,” dagdag pang sabi ng aktres.
Paalala pa niya sa lahat ng Filipino ngayong patuloy pa ring lumalala ang health crisis sa bansa, “‘Wag na tayong tumigas ang ulo. Isipin na lang natin hindi na sarili natin. Isipin na lang natin ‘yung pwede mong mahawaan. Wag ka na lang lumabas.
“Hurting kami ngayon ng pamilya ko pero may mas mga nauna pa na namatayan din ng mahal sa buhay, ‘di ba? Masakit talaga. Masakit talaga. Sana lesson kasi COVID-19 is real. Hindi siya biro isa siyang plague,” mensahe pa ng premyadong aktres.