AJ Raval pinagalitan ng amang si Jeric dahil sa topless photo: Ipinaalis niya po kaya deleted na!

NAGALIT ang dating action star na si Jeric Raval nang makita ang topless photo ng kanyang anak na si AJ Raval sa Instagram.

Ito ang dahilan kung bakit deleted na sa IG account ng sexy star at Viva Artists Agency contract artist ang nasabing litrato na talagang pinagpiyestahan ng kanyang male fans.

Unang napanood si AJ sa pelikula ng Viva Films na “Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar” kung saan todo rin ang ginawa niyang pagpapaseksi. Inamin ng dalaga na kontra talaga si Jeric sa paghuhubad niya sa pelikula.

Sa ginanap na virtual presscon para sa bagong movie ni AJ sa Viva, ang “Death of a Girlfriend” sinabi ng aktres na medyo lumambot na ang puso ng kanyang ama sa desisyon niyang magpaseksi.

“Sa totoo lang po, hindi sila naging supportive noong una. Pero ngayon naman po, hinahayaan na po nila ako,” pahayag ni AJ sa press.

Dito, naibahagi nga niya ang tungkol sa deleted topless photo niya sa IG,  “Nagalit po siya kaya ngayon deleted na yung post ko. Ipinaalis po.

“Nagalit po siya kasi pinag-usapan na namin na magpapaseksi po kung work lang po, kapag kailangan,” kuwento ng dalaga.

Aniya, talagang sobrang protective raw na tatat si Jeric lalo na kapag meron siyang karelasyon, “Mahigpit siya, at may pananakot (sa mga ex-boyfriend niya).”

“Pero ngayon, mabait naman yung boyfriend ko, close sa family so okey naman kami ngayon. Okey na sa kanya,” sey ng dalaga.

Ang lagi raw advice ng ama sa kanya pagdating sa pakikipagrelasyon, “Sinasabi niya lang lagi sa akin, dapat piliin ko yung responsible, may pangarap, kahit hindi kaguwapuhan, basta may pangarap.”

Samantala, ang mystery-suspense love story na “Death of a Girlfriend”  ang ikalawang pelikula ni AJ sa Viva Films. Dito makakatambal naman niya si Diego Loyzaga.

Ayon sa direktor ng movie na si Yam Laranas, ito na ang pinaka-daring at palaban niyang pelikula dahil bukod sa mapangahas na tema at kuwento nito, meron din ditong “all-the-way scene” si AJ kasama ang leading man niyang si Diego.

Ayon kay Direk Yam, parehong game na game ang dalawang bida sa kanilang mga intimate scenes. Malaki rin daw ang naitulong ng kinuha nilang intimacy coordinator sa shooting na umalalay kina AJ at Diego sa kanilang love scenes.

Panoorin ang thrilling na love trip ng “Death Of A Girlfriend” sa April 30, sa worldwide premiere nito sa ktx.ph, iWantTFC, TFC IPTV, SKY PPV sa halagang P250 at sa Vivamax. Mag-subscribe na sa Vivamax sa web.vivamax.net.

Read more...