Si Kelley ang itinanghal na first runner-up sa katatapos lang na Miss Eco International pageant na ginanap nga sa Egypt kamakailan at napabalitang nagpositibo sa COVID-19 kasama ang ilan pang kandidata.
Ayon sa social media post ni Arnold, okay na ang kalagayan ngayon ni Kelley Day, at patuloy itong nagpapahinga habang naghihintay ng bagong resulta ng kanyang RT-PCT test.
Narito ang bahagi ng official statement mula sa kampo ni Arnold Vegafria, “We are happy to announce that Miss Kelley Day is doing okay health wise, and is currently awaiting the result of her RT-PCT test, which should yield more conclusive results.
“However, she can’t fly back to Manila just yet, since there are no available return flights so far because of the ongoing ECQ lockdown.
“In the meantime, she remains safe and secure in her hotel where she is enjoying extended vacation, at the same time getting adequate attention to ensure her total wellness under the auspice and care of the Miss Eco International organizers,” pahayag pa ng talent manager.
Namumukod tanging si Kelley lang sa mga kandidata ng Miss Eco International ang tinukoy na nagpositibo sa COVID-19 matapos ilabas ni Miss Peru national director Jessica Newton sa kanyang Instagram stories ang medical information ng Pinay beauty queen kahit pa nga confidential ito.
Inireklamo kasi ni Jessica na itinuloy pa rin ng Miss Eco International organization ang contest kahit alam nilang positibo na sa COVID-19 ang ilang kandidata.
* * *
Pagkatapos ipalabas sa iba’t ibang parte ng mundo, mga Pinoy naman ang makakapanood ng mga pelikulang “Death of Nintendo,” “Oda Sa Wala,” at “Motel Acacia” kapag naging available ang mga ito sa Pilipinas sa iWantTFC at KTX.PH simula Abril 23.
Handog ng Black Sheep ang tatlong palabas sa halagang P250 kapag bumili ng “Black Pack” exclusive pass hanggang Abril 22 sa solo.to/BlackPack.
Sa “Death of Nintendo,” masusubaybayan ang kwento ng apat na batang magkakasamang pagdadaanan ang pagbibinata, kabilang na ang mga pagbabago sa kanilang pangangatawan at buhay. Sa ilalim ng direksyon ni Raya Martin, pinagbidahan ito ni Noel Comia Jr. at unang ipinalabas sa international audiences sa Berlin International Film Festival noong 2020.
Mapapanood si Pokwang sa “Oda Sa Wala,” kung saan ginagampanan niya ang isang matandang dalaga at may-ari ng funeral parlor na magbabago ang buhay dahil sa isang bangkay. Humakot ito ng mga parangal kabilang na ang Best Picture at Best Actress sa 2018 QCinema International Film Festival, nagwagi ng dalawang FAMAS awards, at ipinalabas na rin sa film festivals sa Malaysia, Laos, at Czech Republic.
Katatakutan naman ang dala nina JC Santos at Agot Isidro sa “Motel Acacia,” na susundan ang kwento ng isang anak na mapipilitang itaguyod ang nakakakilabot na negosyo ng kanyang ama. Nag-world premiere naman ang pelikula sa Tokyo International Film Festival noong 2019.
Kamakailan, natanggap ng Black Sheep ang Rising Producers Circle Award mula sa 4th Entertainment Editors’ Choice o The EDDYS na pinili ng mga miyembro ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).