IN FAIRNESS, ang daming naka-relate sa kuwento at tema ng pandemic movie nina JC Santos at Janine Gutierrez, ang “Dito at Doon” mula sa TBA Studios.
Napapanood na ito sa iba’t ibang digital platforms tulad ng KTX.ph, iWant TFC, Cinema 76 @ Home at Ticket2Me, sa direksyon ni JP Habac.
Ayon sa ilang reaksyon ng mga nakapanood na sa pelikula, tagos na tagos sa puso ang mga linyahan nina JC at Janine pati na ng iba pa nilang kasama sa proyekto, kabilang na sina Lotlot de Leon, Yesh Burce at Victor Anastacio.
Hati naman ang reaksyon ng viewers sa naging ending ng “Dito at Doon”, may mga pumabor at meron din namang kumontra.
Pero iisa lang ang nasabi nila pagkatapos — aabangan nila ang part 2 nito dahil curious silang malaman kung bakit nga ba ganu’n ang naging katapusan ng movie.
Samantala, game na game rin sina JC at Janine sakaling magkaroon ng sequel ang “Dito at Doon.” Sey ng aktor, talagang gusto niyang makatrabaho uli si Janine dahil nabitin siya sa una nilang pelikula.
“Si Janine ‘yung pinakamasarap na katrabaho dahil she’s super generous and open and wala siyang wall kaagad, so approachable,” sabi ni JC.
“Kahit anong ibigay kong acting choice sa kanya, naibabalik sa akin kaagad at naibabalik sa akin ng mas maganda pa na hindi ko ine-expect. Nagugulat ako every time so gumaganda kasi paulit ulit din namin siyang ginagawa.
“Once na nagsabi na ang director ng ‘Action!’ in love na kami. At once nagsabi na siya ng cut, ganun kabilis.
“There’s always a right way and a right mindset. Parang you snap out of it right away. It’s an exercise naman that some actors train to do,” lahad ni JC.
Hirit pa niya, “Sana maulit nang maulit pa na magkatrabaho kami.”
Tungkol naman sa biggest challenge na hinarap niya noong kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic, “Challenging lang yung idea na hindi ko alam kung magkakatrabaho ako. Yun yung pinakamahirap.
“Hindi ko alam kung kailan magkakatrabaho at siyempre nasanay ka na every month may dumarating, alam mo yun. Tapos biglang wala tapos nagsara yung network (ABS-CBN).
“Tapos hindi mo alam kung ano na mangyayari bukas tapos lumalala pa yung cases. That was really bad for me. But even for acting, you have to just be in the moment.
“Kailangan kung sino yung mga nasa harapan mo at kung sino ang mga nasa paligid mo kailangan mo alagaan. Just take care of yourself and everyone na kasama mo diyan,” paalala pa ni JC Santos.