“HIHINGAN ako ng kapatid ko ng pang-tuition sasabihin ko, ‘Ba’t ako magbabayad ng tuition fee ng anak mo, eh anak mo ‘yan.”
Yan ang diretsahang sabi ng TV host-comedienne na si Melai Cantiveros nang mapag-usapan ang tungkol sa pagbibigay ng tulong sa mga kapamilya at kaanak.
Nagpaliwanag naman si Melai kung bakit ganito ang naging disposisyon at pananaw niya sa buhay lalo na kapag pera na ang pinag-uusapan.
Sa vlog ng actor-businessman na si Enchong Dee nag-guest ang isa sa mga itinangal na “Pinoy Big Brother” Big Winner at dito nga niya nabanggit kung bakit hindi siya nagbabayad ng tuition fee ng anak ng kanyang mga kamag-anak.
“Ako talaga, partner, aminado ako nu’ng nagsimula ako ng kita sa showbusiness, talagang in-enjoy ko talaga partner.
“Tinray ko talaga lahat. Pumunta ako ng mga resort kasama ‘yung mga barkada ko. Talagang in-enjoy ko lahat. So talagang masasabi mo talaga na walang investment ‘yun,” pag-amin ni Melai kay Enchong.
Paliwanag pa ng TV host, “Pero this time, nu’ng nag-asawa ako, nagkaroon kami ng anak, nagbago na. Never na.
“Kung ano ang ikabubuti ng anak namin (ni Jason Francisco), doon kami. May mga investment, may mga ipon. ‘Yung mga ganu’n. Pero hindi ako maluho, partner,” chika pa ni Melai.
Pagdidiin pa niya, “Wala naman masama sa maluho. Kung ano ang gusto niyo, kung ‘yun talaga ang nakakapagpasaya sa inyo, ‘yung mga bags.
“Pero hindi ako ma-ganu’n partner kasi ang pinakaimportante talaga sa akin is moments, experiences, mga ganyan na ang iniisip at pinahahalagahan ko,” pagse-share pa ng misis ni Jason.
Kasunod nito, inamin nga ng komedyana na hangga’t maaari ay ayaw muna niyang tumulong sa mga kamag-anak niya na humihingi ng ayuda para sa pagbabayad ng tuition fee sa school.
“Kunyari sa mga pinsan ko, hindi ako magbabayad ng mga tuition fee nila. Hihingan ako ng kapatid ng pang-tuition, (sasabihin ko) ‘Ba’t ako magbabayad ng tuition fee ng anak mo, eh anak mo ‘yan,” maliwanag na punto ng komedyana.
Hirit pa niya, “Kami, bata pa lang kami, tinuruan na kami na huwag umasa. Dapat kayo maging breadwinner. Pero dapat breadwinners. Lahat kayo breadwinners ng family.
“Kunwari nagtatrabaho si Ate. Dapat nagtatrabaho ka rin. Kunyari sinabi ng kapamilya ko tuition fee, sasabihin ko, ba’t ako mag-tuition fee? Pagalitan talaga. Manginig ka talaga, partner,” paliwanag ni Melai.
Ngunit paglilinaw niya, pagdating naman sa pagbabakasyon o pagba-bonding ng pamilya, siya talaga ng sumasagot sa gastusan.
“Kapag umuwi ako ng GenSan sa December, i-prepare n’yo na ang bag n’yo kasi hindi na kayo makaka-stay sa bahay n’yo. Kasi pupunta kami ng Davao, pupunta kami ng Bohol. Ako lahat ‘yan.
“Kaya kapag responsibilidad mo, responsibilidad mo ‘yan. Kasi pinasok mo ‘yan. Hindi pwedeng ako ‘yan,” sabi pa ni Melai kasabay ng pagsasabing naiintindihan naman daw siya ng kanyang mga kapamilya.