Dahil sa Covid-19 pandemic kaya hindi makalipad patungong Paris, France sina Empoy Marquez at Alessandra de Rossi para sa shooting ng “Walang KaParis.”
Bale ang pelikulang ito, na produced ng Spring Fims at idinirek ni Sigrid Andrea Bernardo na siya ring nag-direk ng blockbuster movie na “Kita Kita” noong 2017, ang follow-up sa tambalang AlEmpoy na aminadong nabago ang buhay nila dahil sa success ng “Kita Kita.”
Kuwento ni Empoy na ayon kay Alessandra ay kapansin-pansin na pagkaapos ng “Kita Kita” ay nag-iba na rin pati ang style ng pananamit at buhok ng aktor.
“Naging kontroberysal ang buhay ko,” paglalarawan ng aktor.
“Pareho tayo, sana kasi tayong dinadaanan-daanan lang, 22 years ako sa industry. Parang konti-konti lang ‘yung ‘hi, hello tapos puwedeng pa-picture ganyan.’ Say naman ng aktres.
Ang hindi malilimutan ng dalaga nu’ng papasok sila ng elevator ay maraming paparating at gustong magpa-picture sa kanila at kaagad siyang pumasok dahil nagpa-palpitate na siya.
“Ayaw ko ng ganito, ha, haha,” natawa na lang nitong sabi sa tsikahan time nila sa vlog ni Empoy sa YouTube channel nito.
Ipinagtanggol ng binata ang leading lady nito na hindi raw kasi sanay sa maraming tao at hindi rin ito lumalabas ng bahay niya.
Kaya bago pa nag-lockdown ang National Capital Region ay matagal ng naka-lockdown ang dalaga sa bahay niya.
“Kahit party hindi mo aka mapapa-attend,” sambit pa ng dalaga.
“Takot siya sa maraming taong magkakasama,” sabi ng aktor.
At saka ikinuwento ng aktres na kaya pala may phobia siya sa maraming tao, “Sabi kasi sa akin ng mama ko nu’ng maliit ako, iba ang mukha ko. Siguro cute na cute sa akin ‘yung mga tao siguro dahil nga iba ang mukha ko hindi dahil maganda ako or whatever kasi sa UK kami tumira. Pinagkakaguluhan daw ako tapos puro kurot-kurot ako nagagalit daw talaga ako, ‘leave me alone,’ sabi ko raw tapos hanggang sa eroplano pinagpapasa-pasahan ako ng mga flight attendant, feeling ko nadala ko hanggang sa pagtanda.”
Dagdag pa, “Matagal bago ako nasanay na ganu’n (maraming bumabati at nagpapa-picture) tapos naintindihan ko na after a while, okay it’s part of the job. Hindi ako palalabas pero pag lumabas ako walang make-up, hindi nagsusuklay tapos biglang ‘pa-picture?’ Sa tingin n’yo gusto kong magpa-picture ng ganito ang itsura ko?”
Hindi rin nanonood ng TV, Netflix o sa YouTube si Alessandra.
“Meron akong TV pero naka-on lang kapag matutulog na ako at naka-mute parang kailangan ko lang ng nakasama (virtually). Minsan nakikita ko lang ‘yung mga house tour, closet tour tapos nakikita ko ‘yung mga bag collection at habang nakikita ko, iniisip ko ‘yung mga bag ko na canvass lang na backpack, wala akong mamahaling gamit. Hindi nga ako mahilig sa leather kasi galing nga sa hayop,” paliwanag pa niya.
Hinihikayat ni Empoy na gumawa na rin ng vlog si Alessandra pero umaayaw ito.
“Ano ipapakita ko, shoes collection? ‘Yung snickers ko, ta-tatlo, iisa lang ‘yung brand na mas luma lang ‘yung isa do’n sa isa kasi ‘yun lang gusto kong suot,” paliwanag ng dalaga.
Hindi rin mahilig ang dalaga sa magarbong mga damit.
“Mas gusto ko ang simpleng damit kasi gusto ko pag pumasok ka sa isang lugar na maraming tao hindi mahahalata na artista ka. Kaya minsan may nag-tweet sa akin na ‘ang pangit mo, hindi ka mukhang artista.’ ‘Yun nga ‘yung point! Ang tangkad ko di ba, so kung nakabihis ka ng bongga malayo ka palang tinitingnan ka na kahit hindi alam kung sino ka,” esplikang mabuti ng aktres.
Kaya pala sa tuwing may premiere night noon ang mga pelikula ni Alessandra ay napaka-simple lang ng ayos niya at dahil maganda siya kaya pansinin pa rin talaga siya.
Anyway, sa Baguio City kinunan ang ibang eksena ng “Walang KaParis” base na rin sa usapan nina Empoy at Alessandra sa vlog ng aktor na nu’ng una ay gusto ng bumalik ng Manila ng dalaga dahil sa takot na maraming tao sa nasabing bayan.
“E kasi kahit na sinabing lahat sila negative, e, paano kung ‘yung iba ro’n may kinainang restaurant,” katwiran nito.
Pero napag-isip din ng aktres na sayang ang pagpunta nila kaya kailangang ituloy na.
Sa kasalukuyan ay nagte-taping si Empoy ng “Nina Nino” na bagong series kasama sina Maja Salvador at Noel Comia, Jr na mapapanood na sa TV5 simula ngayong Lunes, Abril 5 sa ganap na 7:15 idinirek ni Thop Nazareno at produced ng Cignal Entertainment na line-produced ng CS Studios at Spring Films.