DILG Usec Densing tinawag ng kampo ni VP Leni na pabigat sa gubyerno

Binuweltahan ng tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo si Interior Undersecretary Epimaco Densing III sa pag-amin ng huli na ang bise presidente ang kanyang tinutukoy na “lugaw” sa naging pahayag niya nitong Huwebes.

Sinabi ni Barry Gutierrez na maiban sa pagiging “non-essential” ay pabigat pa si Densing sa gubyerno.

“This guy epitomizes the admin’s Covid response. With cases rising, hospitals full, and millions struggling, instead of doing real work he makes ‘jokes,’ plays politics and bashes someone who’s actually doing the job they’re supposed to. Di lang ito ‘non essential.’ Ito ay pabigat,” ang tweet ni Gutierrez na patukoy kay Densing.

Una nang inamin ni Densing na si Robredo ang pinatatamaan niya sa kanyang pahayag na “si lugaw.”

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Densing na, “Tama si barangay official — ‘hindi essential SI LUGAW’ — paulit ulit ‘hindi essential SI LUGAW!”

Bahagi ito ng kanyang sagot sa panayam sa kanya ukol sa kontrobersiyang dulot ng pagsita ng mga opisyal ng barangay sa San Jose del Monte, Bulacan sa isang rider na magdedeliber ng lugaw sa oras ng curfew. Sinabi ng mga opisyal na  “non essential” ang lugaw.

Umani ng kaliwat-kanan na batikos si Densing mula sa netizens sa kanyang patutsada.

Maging ang Department of the Interior and Local Government ay dumistansya sa pahayag ni Densing.

“The views expressed by Usec. Densing is not the official stand of the DILG,”  ayon kay DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya.

https://bandera.inquirer.net/281260/mga-opisyal-ng-barangay-sa-san-jose-del-monte-nag-sorry-sa-grab-rider-kaugnay-sa-kontrobersiya-ng-lugaw

Read more...