Nanghihinayang man na hindi na nasaksihan ng inang si Mrs. Beth Cruz ang mga tinatamasa nilang tagumpay ng kapatid, naniniwala ang binata na maligaya ito saan man naroroon.
Pumanaw ang butihing ina nina Rayver at Rodjun dalawang taon na ang nakararaan kaya hindi na nito nakita ang ilang milestones sa buhay ng mga anak.
Kabilang na nga riyan ang pagpapakasal ni Rodjun at pagkakaroon nito ng anak at ang pagtupad sa matagal nang pangarap ni Rayver para sa ina, ang pagbili nimg sarili nitong bahay.
“Nakakalungkot din na marami siyang hindi inabutan pero alam ko naman na for sure na alam niya.
“Kaya ko rin nagawa ang lahat ng ito at kaya rin nagawa ni Rodjun lahat ng nagagawa niya ngayon kasi feeling ko talaga naka-guide siya sa amin all the way,” pahayag ni Rayver sa isang panayam.
Aniya pa, “Hindi niya kami pinababayaan kahit hindi na namin siya kapiling. Alam naming siya ‘yung angel namin.”
Isa pa sa blessing na dumating sa buhay ng boyfriend ni Janine Gutierrez sa panahon ng pandemya ay ang bago nitong drama series sa GMA, ang TV remake ng classic Regal Films movie na “Nagbabagang Luha” na ipinalabas noong 1988.
Ito’y pinagbidahan nina Alice Dixson, Lorna Tolentino at Gabby Concepcion.
Katatapos lang ng lock-in taping nina Rayver para rito kung saan makakatambal niya sina Glaiza de Castro at Claire Castro at mapapanood na sa GMA Afternoon Prime ng GMA 7.
Kasama rin sa serye sina Gina Alajar, Mike Tan, Alan Paule, Archie Adamos, Myrtle Sarrosa, Royce Cabrera at Karenina Haniel.
* * *
Simula April 5, mapapanood muli ang award-winning at pinag-usapang drama anthology series ng GMA, ang “Karelasyon.”
Kung dati ay isang beses lang ito sa isang linggo umeere, ngayon ay araw-araw na itong mapapanood dahil magiging bahagi na ito ng GMA Afternoon Prime line-up.
Mula Lunes hanggang Sabado, pagkatapos ng “Eat Bulaga,” balikan ang mga tumatak na “Karelasyon” episodes base sa karanasan ng mga magkarelasyong nagkaroon ng matinding hamon sa pagsasama.
Unang ipinalabas ang Karelasyon noong 2015 tampok si Carla Abellana. Bawat episode ay written and directed by acclaimed film writers and directors. Binigyang-buhay naman ang mga ito ng magagaling na Kapuso actor.
Tiyak na maraming matutuwa sa pagbabalik-telebisyon ng “Karelasyon.” Isa ito sa mga top-rating shows ng GMA Public Affairs at ang mga video ng episodes nito na uploaded sa YouTube, libo-libo rin ang views.