PATULOY na bumubuti ang kundisyon ng dating Pangulo at mayor ng Maynila na si Joseph Estrada matapos isugod sa ospital dahil sa COVID-19.
Nagbigay uli ng update ang anak ni Erap na si former Sen. Jinggoy Estrada hinggil sa health condition ng kanyang ama na naka-confine pa rin ngayon sa isang ospital sa Maynila.
Sa kanyang Facebook live, sinabi ng dating senador na unti-unti nang nakaka-recover ang ama, “Tumaas na rin po ang kanyang oxygenation level. Naging 95 to 96 ngunit sometimes, medyo restless si President Erap dahil masyado na siyang bored.
“Alam mo naman ang tatay ko, mahilig mag-entertain ng bisita ‘yan. Hindi siya sanay na nag-iisa kaya minsan, tinawagan nga niya ako ng ala-sais nang umaga, gusto na nga raw niya umuwi.
“Sabi ko, ‘Hindi ka pwedeng umuwi dahil baka makahawa siya pero siyempre, he was really upset sa mga sinabi ko.
“At any rate, yung kanyang COVID markers, kumbaga yung mga inflammatory markers niya are on a downward trend. Pababa na po so maraaming-maraming salamat po, Lord.
“Pero yung kanyang chest X-ray, hindi pa gaanong maganda. Well, that is expected kasi ilang araw pa lang naman siya roon [hospital] yung kanyang pneumonia.
“Yung creatinine niya has improved a little bit siyempre kasi usually kapag COVID patient ka, merong tendency na tumaas yung creatinine.
“Yung creatinine, sa kidneys ‘yon. Sa mga hindi nakakaalam, kapag mataas ‘yung creatinine mo, kapag nagpa-blood test ka, apektado yung kidneys mo. Yung SGOT/SGPT, sa atay naman ‘yon.
“Wala na ho siyang lagnat at wala na rin siyang diarrhea kaya I hope this will be the start of his recovery kaya po mga kababayan, humihingi pa rin ako ng inyong mga mahahalagang dasal para malagpasan na po ng aking ama itong pinagdadaanan niya ngayon,” tuluy-tuloy na pahayag ng actor-politician.
Patuloy pa niya, “Itong paglaban sa COVID-19 at siyempre, maraming-maraming salamat sa Diyos at hindi na siya kailangan butasan sa leeg, hindi na siya kailangan i-intubate.
“Yun lang ang konswelo at sana sa lalong madaling panahon, maging negative na yung kanyang resulta para makauwi na siya sa amin,” dagdag pa niya.
Nauna rito, isang recorded video ang inilabas ng pamilya ng dating Pangulo kung saan pinasalamatan nito ang lahat ng nagdasal para sa kanyang paggaling. Ito’y bilang patunay na rin na buhay pa siya at hindi totoo ang kumalat na balita na may nangyari na sa kanyang masama.
“Maraming salamat sa inyong mga dasal at ako ay nasa maayos na kalagayan. Wag kayong mag-alala, malakas ako, kayo ay mag-ingat din. Kayo ay stay healthy rin,” mensahe ni Erap.
Pahayag naman ni Jinggoy hinggil sa kumalat na fake news, “First hand information, huwag po kayong makikinig sa mga second-hand information. Sa mga nanghuhula lang.
“Clarification lang, contrary to reports, dinala ko po ang ang aking ama, Linggo ng gabi, 10:30 ng gabi sa isang ospital dito sa Metro Manila, hindi po hapon.
“Clarification lang kasi maraming nagbibigay ng false information at saka kahapon, nagkaroon ng confusion na may nangyari na raw sa tatay ko. Buhay na buhay po ang tatay ko,” aniya pa.