MAY isang bagay na pinanghihinayangan si Gigo de Guzman ngayong wala na ang inang OPM legend na si Claire dela Fuente.
Hindi na raw kasi nito masasaksihan ang “ending” ng kaso ng kontrobersyal na pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera kung saan nadamay nga siya at ang iba pa niyang mga kaibigan.
Ayon sa anak ng veteran singer, nang dahil sa nasabing kontrobersya ay mas naging close pa sila ng ina at mas napatunayan niya kung gaano talaga siya kamahal ni Claire dahil sa ginawa nga nitong pagtatanggol sa kanya.
Patuloy pa ring dinidinig ang nasabing kaso at umaasa si Gigo at ang iba pa niyang kasamahan na nadawit sa pagkamatay ni Christine na malilinis nang tuluyan ang kanilang mga pangalan.
Sa panayam ng “Headstart” ng ANC kay Gigo kahapon, inamin ni Gigo na talagang “complicated” ang kanilang relasyon bilang mag-ina ngunit nitong mga nakaraang buwan nga ay mas naging maayos ang pagsasama nila.
“There was one particular issue back in the past that I think she has been ever since trying to make up for, to show me that she really did love me. That’s why she fought tooth and nail,” pahayag ng naulilang anak ni Claire.
Dugtong pa niya, “I would say that most recently, we have been closer… It’s hard to describe it because we never really got to close that door.
“This case, honestly, took a lot on her. That’s my only regret — that she didn’t get to see the finish line, na parang, ‘Ma, wala ka nang kailangang alalahanin pa, okay na, tapos na,'” aniya pa.
Kung matatandaan, talagang hindi iniwan ni Claire ang anak sa pagharap nito sa nasabing kaso, palagi siyang nasa tabi ni Gigo kapag nagpapa-interview para linisin ang kanyang pangalan.
Pinuri rin ang tinaguriang Jukebox Queen ng kanyang mga kapamilya, mga kaibigan at tagasuporta nang tulungan nito ang iba pang nadamay sa kaso ng pagkamatay ni Christine na walang kakayahang makakuha ng abogado.
Humingi naman ng paumanhin si Gigo sa mga nakikiramay sa kanilang pamilya dahil hindi pa niya nasasagot ang lahat ng mensaheng natatanggap nila.
Ngunit aniya, siguradong maligayang-maligaya ang kanyang ina saan man ito naroroon sa pagbuhos ng suporta at pagmamahal sa yumaong singer pati na rin sa kanilang pamilya.
“We are doing our best to get through this and we know that we will. Thank you for everything,” sabi ni Gigo.
Nitong Martes pumanaw si Claire matapos ma-cardiac arrest habang naka-confine sa isang ospital. Ilang araw bago siya sumakabilang-buhay ay nagpositibo siya sa COVID-19.