Toni na-bash nang bongga nang iwan ang GMA: ‘Ambisyosa! Hindi pa man sumisikat, laos na iyan.’

NAPA-THROWBACK si Toni Gonzaga sa chikahan nila ni Boy Abunda noong panahong iniwan niya ang GMA para pumirma ng exclusive contract sa ABS-CBN.

Taong 2005 nang lumipat sa Kapamilya Network ang TV host-actress at base sa pinirmahan niyang one-year contract gagawa raw siya ng album, pelikula at limang TV show.

Ito yung panahon na kilalang-kilala na siya bilang co-host ng “Eat Bulaga. Ayon kay Toni, suportado naman ng mga kasamahan niya sa noontime show ang paglipat niya.

Ang talagang inaalala niya that time ay ang masasakit na salita na ibinabato sa kanya ng ilang tao na hindi pabor sa pag-alis niya sa GMA. Ito raw ang dahilan kung bakit naging emosyonal siya sa unang pagtapak niya sa ABS-CBN building.

“Noong unang lipat ko sa ABS-CBN, kaya ako emotional kasi I got so many comments and so many statements from people who said na, ‘Malalaos na iyan. Hindi pa man sumisikat din, laos na iyan.’

“Basta iyon lang lagi ang nasa isip ko noong papalipat ako. ‘Ambisyosa siya, paano siya mapapansin sa ABS, e, nandiyan lahat ng magagandang artista,’” pahayag ni Toni sa nakaraang episode ng “I Feel You” kasama si Boy Abunda.

Sabi pa ni Toni, “It was the era of Kristine Hermosa, Claudine Barretto, so ang daming nagbubulong sa akin noong time na iyon na, ‘Walang mangyayari sa iyo doon. Hindi ka naman makakalevel sa ganda ng mga artista nila doon.’

“That was the peak of mga Tabing Ilog, the glamor of all the ABS-CBN stars in the ’90s and early 2000s,” aniya pa.

Patuloy pa niyang pagbabalik-tanaw, “Noong lumipat ako, sinabi ko lang sa sarili ko, one year lang kasi ang contract ko noon.

“Sabi ko, mag-iipon na lang ako kasi maganda din naman talaga, siyempre talagang napalipat din tayo dahil talagang maganda ang offer, gano’n naman talaga iyon.

“When I transferred, I did the movie D’ Anothers, We Belong na album, show Wazzup Wazzup tapos nakapag-ASAP ako.

“So lahat iyon ninamnam ko lang kasi iniisip ko talaga, one year lang ako. Sinabi ko pa iyon kay Alex, ‘Okay na ito, iipunin ko na ito, okay na tayo dito,’” chika pa ng TV host.

Sa tanong naman kung bakit nagdesisyon siyang iwan na ang GMA, “Super maayos naman ang pamamaalam at wala rin naman kasing offer sa akin at that time.

“For the network, parang what they said is, ‘Iyong ginagawa mo, iyon na iyon. Wala nang mas higit pa dito, wala nang mas hihigit pa dito sa ginagawa mo. ‘So kung ayaw mo niyan, then you can go,’” paliwanag ni Toni.

Bukod sa “Eat Bulaga”, nabigyan din siya ng chance na makaarte sa ilang Kapuso serye tulad ng “Ikaw Lang Ang Mamahalin,” “Habang Kapiling Ka” at “Love To Love.”

Inamin din ni Toni na maganda naman talaga ang offer ng ABS-CBN, “Siyempre, nakita mo, o, puwede ako magrecording, puwede akong magpelikula kasi nasa contract ko iyon. Iyon iyong mga dream ko, magkapelikula.”

Binalikan din niya ang unang interview niya sa “The Buzz” noon, “Ay, wala ako sa sarili ko noon, Tito Boy, parang nakahiwalay iyong kaluluwa ko. Siyempre, starstruck ako. Feeling ko, artistang-artista na ako kasi ang kaharap ko ikaw, Tito Boy.

“Dahil feeling ko, ito talaga iyong mga legit na interview, kapag Boy Abunda na iyong kaharap mo artista ka na talaga. So hindi pa nagsi-sink in sa akin tapos emotional ako dahil kakalipat ko lang noon sa ABS-CBN,” kuwento pa ng sisteraka ni Alex.

Limang show agad ang nilagari ni Toni nu’ng panahong yun — “ASAP,” “MRS: Most Requested Show”, “Entertainment Konek,” at “Pinoy Big Brother” sa ABS-CBN, at “Wazzup Wazzup” sa Studio 23.

Sa ngayon, 16 years na sa ABS-CBN si Toni at patuloy pa ring umaariba ang career bukod pa sa may sarili na rin siyang movie company ngayon, ang TinCan Productions.

‘Parang wala talagang imposible kapag si God ang nag-orchestrate ng lahat. Parang what a way also to celebrate your 20 years in the business,” pahayag pa ni Toni.

Read more...