OPM legend Claire dela Fuente pumanaw na sa edad 62

PUMANAW na ang OPM legend na si Claire dela Fuente o Clarita Crisostomo Dela Fuente-De Guzman sa tunay na buhay matapos ma-cardiac arrest kaninang umaga. Siya ay 62 years old.

Ang malungkot na balita ay kinumpirma ng pamilya ng veteran singer at businesswoman sa record producer at songwriter na si Jonathan Manalo.
Ito’y base na rin sa ipinost ng ABS-CBN reporter na si MJ Felipe sa kanyang Twitter account.

Sumikat si Claire dela Fuente noong late 1970s nang dahil sa jukebox hit niyang “Sayang” na itinuturing na ngayong classic sa mundo ng OPM.

Tinawag din siyang “The Karen Carpenter of the Philippines” dahil halos magkatunog ang boses nila ng namayapa na ring international singer.

Sa kanyang mga concert, hindi mawawala ang mga kanya ni Karen Carpenter na talagang nire-request ng kanyang mga tagasuporta.

Ang kauna-unahan niyang album na ni-release noong 1977 ang isa sa pinakamatagumpay noon sa Philippine recording industry.

Kasunod nito, pitong album pa ang kanyang nai-record. Bukod sa phenomenal hit na “Sayang”, ilan pa sa pinasikat niyang kanta ay  ang “Minsan-Minsan” at “Nakaw Na Pag-ibig”.

Binansagan din siyang Queen of Tagalog Songs kasabay ni Rico J. Puno na tinawag namang King of Tagalog Songs. Isa rin siya sa itinuturing na original “Jukebox Queen” kasama sina Imelda Papin, Eva Eugenio at Didith Reyes.

Kamakailan lamang ay naging laman ng balita si Claire nang ipagtanggol niya ang anak na si Gregorio de Guzman na nadamay kontrobersyal na pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Read more...