Bandera "One on One": Zanjoe Marudo | Bandera

Bandera “One on One”: Zanjoe Marudo

|March 29,2010
facebook
share this

Bandera “One on One”: Zanjoe Marudo

- March 29, 2010 - 01:53 PM

ni Julie Bonifacio, Showbiz Correspondent

MAG-ISANG nagbabasa ng script sa kanyang dressing room sa Banana Split si Zanjoe Marudo nang magpaunlak siya sa BANDERA ng isang exclusive one-on-one interview. Binabasa niya ang script para sa bago niyang teleserye sa ABS-CBN with Cristine Reyes tentatively titled “Cristine Series.”
Gagampanan daw ni Zanjoe ang role bilang si Bernard da Silva at si Cristine naman bilang si Jewel Fortalejo. Parang “Romeo And Juliet” daw ang dating ng kwento ng teleserye. Tungkol sa dalawang pamilya na mortal na magkaaway ang kinabibilangan nila ni Cristine pero mai-in love sa isa’t isa. After Holy Week  magsisimula nang mag-taping si Zanjoe for the project.
Narito  ang kabuuan ng exclusive one-on-one interview ng BANDERA kay Zanjoe.

BANDERA:   Mas may acting challenge ba ang role mo sa bago mong teleserye kesa sa huling character na ginampanan mo sa “Lovers In Paris” kung saan nakakuha ka ng magagandang reviews?
ZANJOE MARUDO: Oo, lalo  na ‘yung role, mas more on drama kasi mysterious din ‘yung role ko rito.  Maraming dinadala simula bata hanggang paglaki. Maraming hinanakit, maraming galit.  Mai-in love sa isang babae na kalaban,   tapos mamamatayan. Maraming pagdadaanan ‘yung character. May action din, kasi ang mangyayari rito  maraming drama, maraming love scenes, maraming sensual na eksena, maraming aksyon kasi maraming away, e. Putukan, barilan.
‘Yung senswal, ‘yung mga sexy scenes, first time kong gagawa ng ganu’n. So, hindi ko pa talaga alam kung paano siya gagawin. Sa tingin ko ay maiilang ako kasi nga hindi ko alam kung paano siya ginagawa. E, basta ‘yun ang sinabi nila sa akin na seksi ang show na ito.
Hindi siya literal na maghuhubad. Siguro makikita mo ang pagka-sensual niya sa mga dialogues, sa mga eksena. Hindi siya ‘yung sasadyain mo lang na hubad, ganu’n. May sitwayson kaya nangyayari ‘yung mga ganu’ng bagay.

B:   Handa ka naman bang maghubad at sabayan ang ubod ng seksing si Cristine?
ZM: Ayun, naghahanda ako. Nagdyi-gym ako. Nakakahiya naman kasi ang seksi ng partner mo tapos  ikaw, wala ka man lang muscles, ‘di ba? Kaya ayun, nagre-ready na rin ako. Matagal na akong nagre-ready. ‘Yung abs ko? Meron naman. Andiyan naman ‘yun. Hindi naman siya nawawala. Nagpapahinga lang. Hahahaha!

B: Hindi ka kaya madala sa mga eksena n’yo ni Cristine?
ZM: A, ‘yun, e, hindi ko pa alam. Siguro dahil first time kong gagawa ng mga ganu’ng eksena. Siguro naman trabaho lang. Nakakahiya rin naman kung madadala ka kasi  parang ungentleman naman noon, ‘di ba? Pero kung may cameraman at mga tao siguro hindi ka  naman madadala. Ang gagawin mo lang, gawin mo lang nang mabuti yung mga eksena. ‘Tsaka hindi natin mapipigilan ‘yun kung madadala ang mga artista, ‘di ba? Kailangan kasi nararamdaman mo, e.

B: Hindi kaya magselos ang real life girlfriend mong si Mariel Rodriguez sa maiinit na eksena n’yo ni Cristine at maging dahilan pa ito nang hiwalayan n’yo?
ZM: Si Mariel naman alam naman niya, mas nauna siya sa akin na gumawa ng  mga ganitong  klase ng show. Trabaho lang, ‘di ba? Naiintindihan naman niya ‘yun.
Hindi ko nakikita na pag-aawayan namin ni Mariel ito. Definitely, maiinit ‘yung mga eksena at may torrid kissing scene, definitely meron. Siguro depende rin kay direk Rory (Quintos) kung paano niya ie-execute. Siguro kung meron mang mga ganu’n may limit na pwedeng ipalabas sa TV. Kasi hindi naman kami pwedeng gumawa ng sobrang seksi tapos hindi naman maipapalabas sa TV, ‘di ba?

B: Do you find Cristine very attractive?
ZM: Oo naman. Number one nga siya sa FHM, ‘di ba? Hindi natin maikakaila na sexy talaga si Cristine.

B: Kay Mariel unang nalaman ng mga readers ng BANDERA ang iniintriga na bagong sasakyan mo ngayon na BMW.
ZM: Ayun nga, galing daw sa bading! Hahahaha! May ganu’ng tsismis talaga. Hindi naman ako nao-offend. Hindi ko alam kung saan galing pero sana huwag nang ganu’n.
Natawa ako kasi nga kailangan ba talagang magkaroon ng ganu’ng tsismis?  Parang BMW naman ang kotse ko dati. Pinalitan ko lang ng BMW rin. So, anong  isyu doon?
Hindi siya brand new.  So, parang BMW ‘yung kotse kong luma na X5 na 2000 model.  Na ipinalit ko sa kotse na BMW rin kasi SUV ‘yung luma ko, pinalitan ko ng mas bago na kotse na 2008. So, parang anong isyu? E, pareho lang naman ‘yun ng dati kong sasakyan. At parehong second hand ‘yung dalawa.
Tsaka nagtatrabaho naman ako. Simula nu’ng lumabas ako sa PBB, parang  hindi naman ako nawala sa TV hanggang ngayon. Pero okey lang naman ako sa mga ganu’ng isyu. Hindi naman ako naaapektuhan.  Tsaka ‘yun, kung may magbibigay tatanggapin ko nang walang bayad. Hahahaha! Seryoso ‘yun! Totoo naman, e. Kung bibigyan ka, e, ‘di tanggapin mo.

B: Kung may kapalit?
ZM: E, ‘yun lang ang pag-uusapan. Pero kung bibigyan ka nang walang kapalit okey ‘yun. Bigay lang nang bigay, oo.

B: Papayag naman kaya si Mariel na tumanggap siya ng kotse mula sa isang bading?
ZM: Papayag  ‘yun. Baka siya bigyan din, tatanggapin din niya ‘yun.  Kahit naman sino sigurong bibigyan, tatanggapin talaga.

B: Napipikon ka na ba sa mga isyu na may dyowa kang gay na mayaman?
ZM: Sa akin, okey lang ‘yun kasi kung may ganu’n, e, ‘di sana ang unang-unang makakaalam noon si Mariel. Kasi ‘di ba kung meron man akong mga lakad na ano siyempre alam niya. Anytime alam niya  kung nasaan ako kaya alam niya kung nasaan ako, alam ko rin kung nasaan siya.
Hindi naman  sa nagtse-check. Wala naman kasi akong pinupuntahan kundi trabaho lang, bahay,  ‘tsaka sa kanila. Natsismis din yata noon sina Richard Gomez at Aga Muhlach. Basta mga guwapo yata ganu’n, e! Hahahaha! Hindi loko lang.

B: Bukod sa kotse ano pa ang mga naipundar mo?
ZM: Mag-iipon para sa bahay. Bahay para sa pamilya pa rin.  May bahay kami sa Batangas ‘tsaka dito sa Manila. Kaya lang dito nagre-rent lang kami. Gusto kong bumili  ng malaking bahay na maraming parking ng kotse. Para kapag maraming ibinigay na kotse sa akin ang mayayamang bading, may parking ako sa bahay. Gusto ko talaga malaking parking para kapag marami akong kotse, may paglalagyan sila.  Pero wala pa akong nakikita. Gusto ko talaga maganda.

B: Saan ang gusto mong location?
ZM:  Sana dito, o sa Pasig o sa C5, sa Fort Bonifacio. Mahal du’n ang lupa pero kung meron ka rin lang dream house sana ‘yung gusto mo na. Hindi ‘yung  masasabi  mo lang na may bahay ka pero hindi mo naman gusto ‘yung lugar, ‘di ba? So, magtiis-tiis muna habang wala. Ipon-ipon lang.
Ako ‘yung magpapatayo. Pero hindi mo rin masasabi, ‘di ba?  Malay mo naman kapag may nakita ka tapos unang kita mo pa lang naramdaman mo na agad  eto ‘yung gusto kong bahay. So, depende.

B: What about ‘yung bahay n’yo naman ni Mariel?
ZM: A, ‘yun darating na lang ‘yun. Siyempre bata pa naman kami. So, unahin muna namin ang kanya-kanyang pamilya, ang aming mga sarili. Hindi naman sa nagiging selfish ka, pero importante  sa pamilya muna namin.

B: Gusto ni Mariel sa Ayala Alabang itayo ang bahay niya. Bakit hindi na lang din doon ka bumili ng lupa?
ZM: Oo, gusto niya kasi nandu’n ang kapatid niya. Maganda sa Ayala Alabang kaya lang mahal, e. Pero maganda doon maganda ’yung subdivision. Kung tutuusin, gusto ko rin doon. Pero matagal-tagal  pa ‘yun. Kapag naging Aga Muhlach na ako o Vic Sotto bago pa ako makakabili ng lupa doon.

B: Kumusta na ang co-star mo sa Banana Split na si Angelica Panganiban na naiipit ngayon sa kontrobersiya dahil sa picture nila ni Derek Ramsay na kalat na kalat na ngayon?
ZM: Actually, nu’ng  lumabas ‘yun tawanan lang kami nang tawanan. Ginagawa pa naming joke. So, wala namang masama doon, e. Ginagawa  lahat ng mag-asawa ‘yun, ng mag-boyfriend, ‘di ba? Meron pa ngang mas grabe doon. Kaya lang ang masama lang, inilabas ng kung sino man ang may-ari ng litrato na ‘yun. Pero sa ginawa nila, walang masama.
Nakita ko si Angel (nickname ni Angelica) nu’ng araw na ‘yun. Wala normal lang siya.  ‘Yun nga, hindi namin ipinaramdam na dapat ma-guilty siya sa ginawa  niya. Ginawa na lang naming katatawanan kasi hindi  naman sila mga 14 years old para ikahiya na meron silang ganu’n. Okey naman si Angel.

B: Diumano possible na galing sa malalapit na kaibigan din nina Angelica at Derek nanggaling ang mga larawan. Naniniwala ka ba?
ZM:  ‘Yun, ’yun lang ang ano, lalo na isa kang celebrity. Isipin muna bago gumawa ng  isang bagay. Isipin munang mabuti kasi nga hindi mo mapagkakatiwalaan lahat ng tao sa paligid mo, kahit kaibigan mo pa ‘yan o pamilya. Wala talaga. Wala ka talagang mapagkakatiwalaan. ‘Tsaka ‘yun nga, isipin munang mabuti ang isang bagay kasi kahit na sabihin na mababait na tao ang mga nakapaligid sa inyo, hindi mo rin masasabi.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

B: May mensahe ka ba kina Angelica at Derek?
ZM: Huwag lang silang magpaapekto and lilipas din ’yan. Marami pang mas matitindi kesa diyan and isang tulog, ilang tulog, ‘pag gising mo, wala na. Hindi na pag-uusapan. Makakalimutan na ng mga tao ‘yan. Kapag nakasalubong ka ng mga tao tatawagin ka ng mga tao, ‘Hi! Angelica.’ Magsisigawan pa rin ang mga tao sa ‘yo. Iidolohin ka pa rin nila. Magpapa-picture pa rin sila sa ‘yo kasi nga magaling kang artista at mabait kang tao.

Bandera Philippine Showbiz News , exclusive interview with Philippine Showbiz personalities 032910

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending