Walang malisya.
Ito ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kumakalat na video kung saan ang isang kasambahay ay anyong hihipuan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Alam mo naman talagang palabiro ang ating Presidente, pero wala pong malisya ‘yun dahil nakaharap naman po doon si Ma’am Honeylet,” ani Roque sa kanyang pahayag nitong Lunes.
Nagdaos ng ika-76 na kaarawan si Duterte sa kanyang tahanan sa Davao City nitong Linggo.
Sa birthday dinner, nauna nang hinipan ng Pangulo ang kandila na nakatirik sa kanin.
Matapos ito ay lumapit ang isang kasambahay. Dala nito ang isang maliit na cake na may nakasinding kandila.
Anyong hihipuan ng Presidente ang babae sa pribadong bahagi nito pero maagap itong nakaiwas.
Ayon kay Roque, matagal nang kasambahay ng pamilya ni Duterte ang nasabing babae.
“Kung may magrereklamo, dapat iyong kasama niya sa bahay,” wika ni Roque.
Noong 2018, inamin ni Duterte sa isang talumpati na hinalay niya ang kanilang katulong noong siya ay teenager pa lamang.
Kaagad naman itong pinabulaanan ng Palasyo, at sinabing nagbibiro lamang ang Pangulo.