Erap nagpositibo sa COVID-19; Jake, Jinggoy nakiusap na ipagdasal ang ama

NAGPOSITIBO sa COVID-19 ang dating Pangulo at Manila Mayor na si Joseph Estrada.

Kinumpirma ng kanyang anak na si Jinggoy Estrada na isinugod sa ospital ang veteran actor-politician matapos tamaan ng killer virus.

Ibinalita ito ng dating senador sa kanyang Facebook account kasabay ng pakiusap sa kanilang mga kaibigan at tagasuporta na ipagdasal ang pagbuti ng kalusugan ng kanyang ama.

Sabi ni Jinggoy, nagdesisyon na silang dalhin sa ospital ang kanilang 83-year-old na ama matapos itong nakaramdam ng panghihina ng  katawan.

Pahayag ni Jinggoy, “Na-diagnose na po siya na positibo sa covid 19.” Siniguro naman ng aktor at politiko na “stable” na ang condition ng former President at dating alkalde ng Maynila.

Hiling pa niya sa madlang pipol, “Ako po ay humihingi ng inyong mga panalangin sa kanyang agarang paggaling.”

Nag-post din sa kanyang social media page ang isa pang anak ni Erap na si Jake Ejercito na nagsabing maayos na ang kalagayan ng ama na kasalukuyan pa ring naka-confine sa ospital.

Humiling din sa publiko si Jake na ipagpatuloy lamang ang pagdarasal para sa agarang paggaling ng kanyang ama pati na rin ng lahat ng nakikipaglaban ngayon sa COVID-19.

Kung matatandaan, naging pangulo si Erap mula 1998 hanggang 2001. At taong 2013 naman nang mahalal bilang mayor ng Maynila at nagsilbi sa lungsod hanggang 2019.

Read more...