MAY mga pagkakataong hindi nagiging madali para sa Kapuso comedienne na si Kiray Celis ang magpatawa sa harap ng camera.
Tulad ng mga ordinaryong tao, dumarating din ang mga araw na kailangan niyang magtrabaho kahit na may dinaramdam o pinagdaraanan siya sa buhay.
Sa panayam ng GMA, naikuwento ni Kiray na sinusulit pa rin niya ngayon ang kanyang libreng oras sa kanyang pamilya at iba pang mga mahal sa buhay.
Kamakailan ay nagbalik na sa trabaho ang komedyana, kabilang na riyan ang Kapuso teleseryeng “Owe My Love” na pinagbibidahan nina Lovi Poe at Benjamin Alves.
Sabi ni Kiray, kilala siya ng mga tao na laging masaya, laging nagpapatawa ngunit sa kabila nito may mga pagkakataong dumarating din ang mga pagsubok sa work.
“Ang mahirap lang naman, ‘yung makisama sa mga tao, lalo na kapag… mahirap magpatawa kapag hindi ka naman talaga masaya.
“‘Yun na siguro ‘yung hardest part sa trabaho ko. Kasi kailangan kong maging masaya kahit hindi naman ako masaya,” aniya pa.
Sa tanong naman kung ano ang nagpapasaya sa kanya ngayon, siyempre ang kaniyang pamilya, mga kaibigan at ang kanyang boyfriend na si Stephan Estopia.
Masaya rin daw siya dahil hindi siya pinababayaan ng GMA lalo na ngayong meron pa ring pandemya. Nagpapasalamat siya sa Kapuso network na palagi siyang binibigyan ng proyekto.
“Maraming trabaho. Masaya ako kasi kahit na may pandemic tayong nangyari sa buhay natin ngayon, isa ako sa mga mapalad na nagkaroon, at merong trabaho,” chika pa ni Kiray
* * *
Sumabak sa isang game sina Iya Villania at LJ Reyes sa isang episode ng “Mars Pa More” kasama ang kanilang celebrity guests.
Tinanong sila kung sino ang gusto nilang gumanap o magbida kung gagawing teleserye o pelikula ang kanilang buhay.
Hindi ito diretsong sinagot ng TV host dahil wala pa raw siyang maisip pero aniya, “Ah, alam ko na. ‘Yung casting, kapag wala si Drew (Arellano), si Solenn Heussaff. Kung hindi puwede kay Drew, magiging tommy (tomboy) na lang ako.”
Hirit pa n Iya, “Siguro ako, siguro magiging makulay ang buhay ko nu’n ‘no kung ganu’n.”
Paliwanag pa ng misis ni Drew, “Siya na lang kasi girl crush ko naman talaga siya eh. Kasi, ano ba ang hindi kayang gawin ng babaeng ‘yon ‘di ba?”
Dagdag pa niyang chika, ang COVID-19 pandemic ang pinakamatinding “plot twist” na nangyari sa buhay ng kanilang pamilya.
“Biglang hindi puwedeng lumabas, biglang bawal na tayong magbeso-beso. Wala nang beso-beso, wala nang yakap-yakap.
All of these things are very Pinoy and now all of it is gone. I think that was a major plot twist (sa life story ko),” aniya pa.