P20M bayad sa isang tribung maaapektuhan ng konstruksyon ng Kaliwa Dam, pinaiimbistigahan

Hiniling ng ilang mambabatas na maimbestigahan ang nabunyag na pagbibigay ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng P20 milyon sa isang komunidad ng mga katutubo na maapektuhan ng Kaliwa Dam project.

Sinabi ng National Commission on Indigenous People na kailangan ang pagsang-ayon ng anim na tribu bago maikasa ang P12.2-bilyong New Centennial Water Source – Kaliwa Dam project na pinopondohan ng Export-Import Bank of China.

Ngunit ayon kay Agta-Dumagat leader Marcelino Tenan, isa lang sa anim na indigenous groups ang nagbigay ng free, prior and informed consent (FPIC) para maikasa ang P12.2 bilyong halagang proyekto.

Tumanggap umano ang katutubong grupong ito mula sa MWSS  ng P20 milyong pondo.

Ang sinasabing pagbabayad ng MWSS ng P20 milyon ay nabunyag sa deliberasyon ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous People.

Bunga nito, hiniling nina House Deputy Speaker at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate at ACT Rep. France Castro na makapagsagawa ng special audit sa pondo ng MWSS para malaman kung totoo ang pagbubunyag ni Tenan at kung ang pera ay “padulas” sa katutubong grupo.

“Parang padulas ito, they are using the carrot and stick method,” ani Zarate.

Sinabi naman ni IP leader Thelma Aumentado ang pera ay tulong ng MWSS sa tribo na naaapektuhan ng hiwalay na Angat – Umiray project sa Quezon Province.

Aminado si MWSS deputy administrator Leonor Cleofas na kailagang makuha ng project contractor, ang China Energy Engineering Corp. (CEEC), ang lahat ng permits at clearances bago nila masimulan ang proyekto.

Sinabi pa ni Cleofas na surveys at geological investigation pa lamang ang nagagawa ng contractor para sa pagbuo ng plano at magiging disenyo ng Kaliwa Dam.

Read more...