Bb. Pilipinas candidates todo na ang paghahanda sa kanilang pagbabalik

Meiji Cruz, Valenzuela City/ARMIN P. ADINA

PAMILYAR na sa mga beauty contest ang tatlo sa mga kalahok sa Binibining Pilipinas pageant sapagkat minsan na silang nakatuntong sa pambansang entablado.

Nagbabalik sina Vianca Louise Marcelo, Alexandra Faith Garcia, at Meiji Cruz, nangakong mas malakas at mas mahusay na mula nang una silang sumubok na makasungkit na pambansang korona.

Mga alaga sila ng “Kagandahang Flores” beauty pageant training camp, na humasa rin sa mga reyna ng Bb. Pilipinas na sina Precious Lara Quigaman at Bea Rose Santiago na kapwa nag-uwi ng korona ng Miss International, at ang unang Pilipinang hinirang bilang Miss Intercontinental na si Karen Gallman.

Ilang titulo na ang nasungkit ni Marcelo. Kinoronahan siyang Miss Silka Philippines noong 2011, at nagwaging Reyna ng Bulacan noon 2014, na naghatid sa kanya sa 2015 Reyna ng Aliwan kung saan siya naging second runner-up

Sumali siya sa 2015 Miss World Philippines pageant kung saan siya hinirang na Best in Talent, at nagtapos sa semifinals.

“I blacked out in the question-and-answer round. And that left me traumatized,” binahagi ni Marcelo, sinabing nagpasya siya noon na hindi na muling sasali sa anumang beauty contest.

Ngunit patuloy ang pagbuhos ng suporta mula sa pamilya, mga kabigan, at sa pinuno ng Kagandahang Flores na si Rodgil Flores. Makaraang magtapos ng Hotel and Restaurant Institutional Management sa De La Salle-College of Saint Benilde, naramdaman ni Marcelo na iba na siya, mas may kumpiyansa sa sarili.

Vianca Louise Marcelo, Bocaue, Bulacan/ARMIN P. ADINA

“Now I’m ready, I’m prepared more than ever,” aniya.

Samantala, una namang sumabak si Garcia sa Bb. Pilipinas noong 2016. Mula noon, naging abala siya sa mga triathlon at sa pagsusulong sa malusog na pamumuhay.

Aktibo rin siya sa One Kidney Transplant Philippines, at nakipagtulungan sa Department of Agriculture upang magsulong ng food security at ipalaganap ang kaalaman tungkol sa industriya ng karne ng rabbit.

“It took me long to have the strength to join Bb. Pilipinas again, because I wanted to focus on sports,” ani Garcia.

Ngunit pinakamahaba nang pagitan sa pagsali ang kay Cruz, na unang sumabak sa 2012 Bb. Pilipinas pageant kung saan nagwagi Miss Universe first runner-up Janine Tugonon.

Mula noon, naging abala na si Cruz sa pag-aaral, at tumanggap ng mga digri sa Mass Communication, Psychology, at Guidance and Counselling mula sa Saint Scholastica’s College.

Sinabi niyang natutunan niya sa paaralan na maging “socially aware, and to speak up on social issues and politics.”

Alexandra Faith Garcia, Olongapo City/ARMIN P. ADINA

Isinusulong din ni Cruz ang women empowerment at gender equality, at ang kapakanan ng mga marginalized sector sa lipunan.

Pansamantalang isinantabi ang Bb. Pilipinas pageant dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19. Ngunit nitong Enero, hinayag ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ang pagpapatuloy ng patimpalak, at itinakda ang coronation night sa Abril 17.

Pipiliin sa 2020/2021 Bb. Pilipinas pageant ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss International, Miss Intercontinental, Miss Globe, at Miss Grand International pageant.

Read more...