WALA pang tatlong linggo ang naging paghahanda ni Samantha Bernardo para sa Miss Grand International pageant.
Ngunit pinabilib niya ang kanyang mentor sa ipinakikita niyang performance sa Bangkok, Thailand, kung saan idinaraos ang nasabing international pageant.
“She has definitely exceeded our expectations, napakahusay!” sabi sa Inquirer ni Rodgil Flores, pinuno ng beauty pageant training camp na “Kagandahang Flores,” sa isang online interview makaraan ang preliminary competitions noong Marso 25.
“Her performance makes me very happy and extremely proud of her. To sum up her [Miss Grand International] stint, Samantha is in all ways—styling, hair and make up, personality, and presentation skills—simply grand,” pagpapatuloy pa niya.
Second runner-up si Bernardo sa Binibining Pilipinas noong 2018 at 2019, at kasali pa dapat sa edisyon ng patimpalak para sa 2020/2021 na nakatakdang idaos sa Abril. Ngunit itinalaga na siya ng Pilipinas Charities Inc. (BPCI) bilang kinatawan ng bansa sa 2020 Miss Grand International pageant nang itakda ng mga organayser ang finals nito sa Marso.
Gipit man sa oras, nakabuo sina Flores at Bernardo ng strategy para sa Miss Grand International pageant, kasama ang ilang stylists, trainors at consultants.
“Everything was planned on purpose to highlight the best of Samantha. As I have known her, ’di applicable sa kanya ang ‘bahala na.’ Lahat napag-usapan at napag-aralan niya,” ani Flores.
Nakagawa si Louis Pangilinan ng gown na kulay emerald na may palamuting kulay ginto, mga kulay umano ng patimpalak, para sa preliminary competition. Para sa coronation night, disenyo ni Yeye Pantaleon ang isusuot ni Bernardo, na nilarawan ni Flores bilang isang “showstopping gown, yet very elegant and fashion forward.”
Sinabi ni Flores na matagal na siyang naniniwalang “if Samantha will be given the chance to represent our country in an international pageant, she is bound to shine and soar high because she will give it her all, exactly what she is doing right now.”
Humataw na rin ang mga alaga ng Kagandahang Flores sa Miss Grand International pageant. Fourth runner-up si Parul Shah noong 2015, habang second runner-up si Elizabeth Clenci noong 2017.
Sa ngayon, pinakamataas na para sa isang Pilipina ang pagiging first runner-up na nakamit ni Nicole Cordovez noong 2016.
Susubukan ni Bernardo na maging unang Pilipinang makasusungkit sa korona ng Miss Grand International sa Marso 27. Ito pa rin ang itinuturing na edisyon ng patimpalak para sa 2020 upang makabawi sa pagsasantabing nangyari dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19. Muling magdaraos ng isa pang patimpalak ang mga organayser bago magtapos ang taong ito.