SASABAK na rin sa mundo ng showbiz ang apo ni Rosanna Roces na si Leone Alonzo Adriano.
Sinabi pa nga nitong, “I want to be like my lola.”
Humarap si Leone sa ilang piling manunulat kamakailan sa Quezon City bilang isa sa mga artista ng bagong talent agency na Dragon Talent and Management.
“Since kid pa lang po ako gusto ko nang pumasok sa showbiz,” ani Adriano, panganay na anak ng bunso ni Roces na si Onyok.
Maagang namulat sa industriya si Adriano sapagkat noong bata pa lang siya, dinadala na siya ng kanyang lola sa mga taping o shooting.
At ngayong siya naman ang sasabak sa harap ng camera, pinayuhan ang bata ng lola niya na, “huwag gagayahin ang iba, gumawa ng sariling pangalan.”
Nais niyang pasukin ang showbiz upang gayahin ang lola, at “help my family.”
Pagpapatuloy pa ni Adriano, “I want to give back po, sa pag-aalaga sa akin.”
Napansin na ng talent manager at entertainment columnist na si Lolit Solis si Adriano, at sinabihan siyang ipakikilala sa pamunuan ng GMA Artist Center para sa co-management.
Sinabi rin ni Solis na ipakikilala rin niya sa mga boss ng Kapuso network ang kapwa Dragon artist ni Adrinano na si Shira Tweg.
Mahilig umawit ang Israeli-Filipino na si Tweg, ngunit nais din niyang subukan ang pag-arte, at gumanap sa mabibigat na papel katulad ng sa idolo niyang si Andrea Brillantes.
Ngunit nag-aaral pa rin sina Adriano at Tweg, at kailangang pagsabayin ang mga hamon ng pag-aaral sa “new normal” at ang bigat ng trabaho sa showbiz.
Grade 7 ngayon sa College of San Benildo sa Cainta, Rizal, si Adrinao, habang Grade 8 naman sa Good Shepherd Christian School sa Mandaluyong City si Tweg.