Isang taon mula nang unang umere ang teleserye, isa sa pinakaimportanteng aral na natutunan ng isa sa lead stars nitong si Kyline Alcantara ay ang kahalagahan ng pamilya.
“That family is family. No matter how many hardships, struggles, ups and downs you have faced together or apart you’re still family. You will stand up for each and other and learn to forgive,” pahayag ni Kyline.
Ibinahagi rin ng Kapuso star kung ano ang dapat abangan ng viewers sa pagtatapos ng kanilang serye, “A lot. If magkakapatawaran ba ang mga Santos at Dela Cruz, may happy ending ba pa kay Maggie at Jun? At mabubuo nga ba ang pamilya na inaasam ni Maggie?”
Nagpaabot din ng pasasalamat si Kyline sa mga walang sawang sumusuporta sa kanilang programa mula nang mag-umpisa ito hanggang ngayong finale week.
“Thank you so much sa lahat ng sumubaybay sa Bilangin ang Bituin sa Langit. Sa pakikisama sa amin ng isang buong taon at sinamahan kami sa aming kwento. Mula sa aming puso hanggang sa mga bituin sa langit maraming salamat po,” saad ng dalaga.
‘Wag palampasin ang pinakaaabangang ending ng “Bilangin ang Bituin sa Langit” ngayong Biyernes, pagkatapos ng “Babawiin Ko Ang Lahat,” sa GMA Afternoon Prime.
* * *
Tunghayan ang nakakaantig na kuwento ng buhay ng Kapuso comedian at TV host na si Betong Sumaya bukas, sa bagong episode ng real-life drama anthology na “Magpakailanman.”
Pagbibidahan ng isa pang pambatong komedyante ng GMA na si Buboy Villar ang episode kung saan ipakikita ang makulay na buhay ni Betong bago pa man ito naging isang ganap na artista.
Bago pasukin ang mundo ng showbiz, sa likod ng kamera ang naging trabaho ni Betong. Aminado siya na pangarap na niyang maging artista simula pa noong bata siya.
Matatandaang nakilala siya matapos sumali at manalo sa reality show na “Survivor Philippines: Celebrity Doubles Showdown” noong taong 2011. Ito ang nagbukas ng pintuan para sa kanyang karera sa showbiz.
Sa kasalukuyan, isa na si Betong sa mga pinagkakatiwalaang komedyante ng GMA Network. Napapanood din siya bilang host sa world-class singing competition for kids na “Centerstage” at siya rin ay mainstay performer sa weekend variety program na “All-Out Sundays” at isa cast ng longest-running gag show na “Bubble Gang.”
Bukod dito, may sarili na rin siyang YouTube channel na nagiging source ng good vibes para sa mga fans at netizens.
Tampok din sa episode ng “#MPK” bukas sina Epy Quizon at Candy Pangilinan bilang mga magulang ni Betong.