Angelica sa mga nasasakal na sa LDR: Ang sarap minsan na may ‘day-off’, wag muna kayo mag-usap

“BAKA umabot kayo sa point na magkasawaan na kayo!”

Iyan ang bahagi ng payo ni Angelica Panganiban sa magdyowang nagkakaroon na ng mga issue sa kanilang long distance relationship o LDR.

Sa espesyal na episode ng digital talkshow na “Ask Angelica”, nahingan ng advice ang Kapamilya actress kung paano ba maiiwasan ang pagiging paranoid o pagkapraning ng mga taong nasa LDR.

Sabi ni Angelica, normal lang naman ang makaramdam ng pagkapraning kapag malayo sa iyo ang minamahal mo pero isa raw ito sa dapat talagang nilalabanan ng mga magdyowang nasa magkaibang lugar para mag-work ang relasyon.

“Nasa sa inyo lang din, lalo na sa ‘yo Mico, kung paano mo kakausapin ‘yung partner mo tungkol sa nararamdaman mo na nasasakal ka. Kasi hindi rin naman tama na walang trust,” sey ng aktres.

Aniya pa, “Pwede tayong minsan talagang miss na miss natin ‘yung partner natin pero hindi natin dapat pinipigilan ‘yung growth ng isang tao para mag-explore, lumabas with friends, mag-unwind.”

Ipinaalala rin niya na mas magandang magkaroon ng break ang mga magka-LDR sa regular ninyong ginagawa.

“Ang sarap nga minsan na may day-off, huwag muna tayo mag-usap, pahinga lang muna dahil minsan nakakarindi na rin ‘yung nag-uusap na lang kayo lagi sa video.

“Tapos minsan wala na kayong mapag-usapan dahil parang ganu’n din naman ‘yung routine niyo araw-araw. Baka umabot kayo sa point na baka magkasawaan kayo. Kailangan lang talaga diyan, maayos na usapan,” esplika pa ni Angelica na super happy na ngayon sa kanyang lovelife.

Dagdag pa niyang payo, “Siguro imbes na i-take mo siya negatively, pwede mo rin siyang i-take positively na may isang taong nagmamahal sa ‘yo ng sobra, ‘yung talagang lagi lang siyang concerned kung nasaan ka at anong ginagawa mo.

“Gusto lang niya maging involved para lang siguro hindi mo siya makalimutan, para hindi mo makalimutan na meron kang partner na naghihintay pa rin sa ‘yo,” chika pa ni Angge.

Read more...