“PINAGSASABONG kami ng mga tao.” Yan ang hindi maintindihan ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa patuloy na pang-iintriga sa kanila ni Catriona Gray.
Naunang naiuwi ni Pia ang Miss Universe crown sa Pilipinas na sinundan nga ni Catriona noong 2018, ngunit madalas silang pinagkukumpara sa mga tao.
Sa pakikipagchikahan ni Pia kay Bianca Gonzalez na mapapanood sa latest vlog ng TV host, nagkuwento ang beauty queen-actress tungkol sa kanyang mga insecurities at sa walang kamatayang issue ng inggit.
Ayon kay Pia, normal lang sa isang tao ang makaramdam ng insecurity o kuwestiyunin ang sarili kung ‘ano pa ang kulang sa akin?’
“Honestly, I’ve been through that also before. With the way I started in showbiz pa lang and in pageants. Siyempre hindi naman ako agad na umabot sa Miss Universe.
“Parang ang dami ko ring rejections nung nagco-commercial pa lang ako, nu’ng naga-artista ako. Tapos natalo ako nang natalo sa Binibining Pilipinas.
“It’s not so much of ‘why her?’ It’s more of like, ‘why not me?’ It’s more of na, kine-question mo ‘yung ‘May kulang ba sa akin?’” pahayag ng beauty queen.
Inalala ni Pia ang araw nang matalo siya ni MJ Lastimosa sa Binibining Pilipinas noong 2014 (para sa titulong Miss Universe Phililpines), “The second time I lost, MJ Lastimosa won, right?
“And then before she was announced the winner, I was standing right beside her and the camera kept panning left and right between us two.
“So of course, when you’re standing there, and the winner’s not announced yet, you’re thinking, ‘My gosh, isa sa amin.’ And then it ended up becoming her and then she had her crowning moment. I went backstage, I cried, and then that,” pag-amin ng aktres.
Pero depensa ng dalaga, “I never hated her, and I know people are going to say, ‘Totoo ba? Parang hindi ka nainggit sa kanya or nagalit sa kanya?’ It’s not really her, I’m just hurt that I didn’t win.
“But it’s not that I don’t like her or I hate her. It’s more of the disappointment within myself na saan ba ako nagkulang? Ano pa bang kailangan kong gawin?” patuloy niyang paliwanag.
“Try to really think, is it because you’re projecting your insecurity on somebody else? Upset ka na siya may achievements tapos ikaw wala? I don’t think you should be mad at her. Maybe there’s something that needs to be worked on in yourself,” dagdag pa niyang sabi.
“The way I deal with it is I always tell myself that hindi pa kasi para sa akin or hindi kasi ‘yan ang para sa akin. May kulang pa. Marami pa akong bigas na kakainin. Marami pa akong kailangang pagdaanan,” diin ng dalaga.
“I think having that self-awareness, na parang, saan ba nanggagaling ‘yung feeling mo ng inggit? Baka hindi ka naman talaga inggit.
“Baka ayaw mo lang aminin sa sarili mo na may kulang pa or hindi pa talaga para sa ‘yo or may kailangan ka pang i-improve,” lahad pa ng isa sa pinakasikat na Miss Universe.
“But, you know, social media, siyempre naka-plan na ‘yan. Naka-filter na ‘yang mga ‘yan. Everybody puts their best face forward online, and that’s not real life. You have to remember that,” paalala niya sa madlang pipol.
At tungkol naman sa sinasabing “rivalry” sa pagitan nila ni Catriona, “A lot of people really still compare me with Catriona because pareho kaming nanalo sa Miss Universe.
“Even though we didn’t compete in the same year, my experience was completely different from her year, pinagsasabong kami ng mga tao.
“Personally we’re okay, wala, wala talagang problema. It’s more of the very passionate supporters and I don’t know who created this parang idea that we don’t like each other.
“2021 na, tigilan na natin ‘yung pagko-compare sa mga babae sa isa’t isa. Bakit sa lalaki, hindi masyadong ginagawa ‘yun?” pakiusap pa ni Pia.
Sa huli, ipinagdiinan ng dalaga na walang dahilan para ikumpara mo ang iyong sarili sa ibang tao o makipagkumpetensiya sa kapwa mo.
“Hindi naman tayo nag-aagawan ng korona. Hindi naman tayo nag-aagawan ng pwesto. Hindi ka naaagawan at hindi ka rin nang-aagaw. There’s plenty of room for everyone,” ang very inspiring pang advice ni Pia Wurtzbach.