Angeline ‘sinagot’ ng Diyos habang nasa ospital si Mama Bob

SUPER special para sa singer-actress na si Angeline Quinto ang theme song ng bagong Kapamilya series na “Huwag Kang Mangamba”.

Ayon kay Angeline, ang nasabing kanta ang pinakamalapit sa kanyang puso at iniaalay din niya ito sa yumao niyang nanay na si Mama Bob na namaalam na sa mundo last November.

“Actually itong song na ‘Huwag Kang Mangamba’ sobrang special para sa akin. Bakit? Kasi ito talaga yung pinakahuling kanta na naiparinig ko kay Mama Bob nu’ng nasa ICU pa siya,” simulang pahayag ng dalaga sa nakaraang mediacon ng “Huwag Kang Mangamba”.

“So, nu’ng kasalukuyan na yun, talagang nakikipaglaban pa si Mama Bob para sa brain surgery niya eh. Tapos nakatanggap ako ng message na bibigyan ako ng bagong theme song sa Dreamscape, sa ABS-CBN,” pahayag pa ni Angeline na kasali rin sa cast ng serye.

Itinuturing din niyang isang regalo mula sa langit ang nasabing kanta, “Eh nu’ng time na yun talagang kagagaling ko lang ng chapel nu’ng hospital kung nasaan si mama ko.

“Tapos sa dinami-rami ng mga tanong, mga iniiyak ko sa Itaas, parang ang bilis-bilis ng sagot dahil nga sa message ni sir Deo (Edrinal, Dreamscape head) na ‘Huwag Kang Mangamba’ yung kakantahin ko tapos nag-send sa akin ng link sa YouTube para aralin yung kanta.

“Hindi ako familiar sa song pero nu’ng narinig ko parang yun talaga yung sinagot ng Diyos sa akin habang nasa ospital si Mama Bob. Ganu’n siya kaespesyal.

“Every time na maririnig ko yan talagang naaalala ko si mama tapos napapanahon pa para sa lahat ng tao na nawawalan ng pag-asa ngayon,” aniya pa.

Samantala, todo rin ang pasasalamat ni Angeline sa Dreamscape dahil isa siya sa mga napiling bumida sa “Huwag Kang Mangamba” na maghahatid ng inspirasyon sa madlang pipol.

“Siguro may mga tao na baka iniisip nila na baka hindi na nila kaya. Pero as long as manatili sa atin yung buong paniniwala at pagtitiwala na meron tayong kakampi sa itaas, lahat ito kung pagsasama-samahin nating lahat ay magiging maayos at malalagpasan talaga natin,” pahayag pa ni Angeline.

Read more...