Dahil sa patuloy ng pag-iral ng pandemyang bunga ng Covid-19, muli na namang nalipat ang iskedyul ng 2021 Tourism Ambassador Universe pageantry sa Malaysia, at nakatakda nang idaos mula Hulyo 7 hanggang 12 sa Kota Kinabalu.
Ibinahagi sa Bandera ang bagong detalye ni Myla Villagonzalo Tsutaichi, ang Pilipinang taga-Tokyo na nakasungkit sa korona bilang Mrs. Tourism Ambassador International sa unang edisyon ng patimpalak noong nagdaang taon.
Naunang itinakda ang patimpalak nitong Pebrero. Ngunit dahil sa patuloy na pag-iral ng pandemya, nilipat ito sa Abril. Maraming koronang ipamamahagi sa iba’t ibang dibisyon—Master, Mrs., Mister, Miss, Prince, at Princess.
Dalawang tungkulin din ang nakatakdang gampanan ni Tsutaichi sa patimpalak, una bilang reigning titleholder na magsasalin ng korona, at pangalawa bilang judge.
“I feel honored to be personally invited by the owner, Baq Haji Arfha, to serve as judge,” sinabi niya sa Bandera sa isang online interview. Ngunit hindi pa malinaw kung magsisilbi siyang judge para sa lahat ng dibisyon, at kung sa isang palatuntunan lang kokoranahan ang lahat ng mga magsisipagwagi.
“I enjoyed my journey as Mrs. Tourism Ambassador International, and I wish my successor good luck,” idinagdag pa niya.
Sinabi ni Tsutaichi na pinahahalagahan niya ang kaniyang korona sapagkat sagisag ito ng katuparan ng kaniyang mga pangarap. Nagpahayag din siya ng suporta sa kinatawan ng Pilipinas sa 2021 Mrs. Tourism Ambassador Universe division, ang host at negosyanteng si Aida Patana.