SA gitna ng patuloy na namang pagtaas ng COVID-19 cases sa Pilipinas, muling nanawagan si Willie Revillame sa publiko na huwag nang maging pasaway.
Ipinagdiinan ng host ng “Wowowin: Tutok To Win” na hindi talaga makokontrol ang pagdami ng mga tinatamaan ng killer virus kung hindi na sinusunod ng mga Filipino ang safety at health protocols na ipinatutupad ng gobyerno.
Sabi pa ng TV host-comedian, kailangang disiplinahin nating lahat ang ating mga sarili para malabanan ang COVID-19.
Aniya, nakapanghihinayang daw ang efforts ng pamahalaan at ng mga bayaning frontliners sa pagkontrol sa virus nitong mga nakaraang buwan ngayong bigla na naman itong dumami na umaabot pa nga mahigit 5,000 kada araw.
Paalala ni Willie, baka mapuno na naman ang lahat ng ospital dahil sa matitigas na ulo ng ilan nating mga kababayan. Kaya naman hinikayat niya uli ang lahat na sundin ang lahat ng health protocols lalo na ang pagsusuot ng face mask at face shields, pati na ang curfew hours sa Metro Manila.
“Pag-uwi mo mayroon kang bunsong anak, yung asawa mo, di ba? Nag-aaral yung anak mo nangangarap para sa ‘yo tapos hahawahan mo, paano na ang kinabukasan ng pamilya mo?” ang paliwanag pa ng TV host.
Diin pa niya, “Alam n’yo kung ano ang solusyon dito? Makinig, huwag matigas ang ulo, disiplinahin n’yo sarili n’yo.”
* * *
Nitong Lunes ay naganap na ang virtual script reading ng powerhouse cast ng upcoming GMA Afternoon Prime series na “Las Hermanas.”
Kabilang sa cast ang nagbabalik-Kapuso at seasoned actor na si Albert Martinez. Makakasama rin niya ang mahuhusay na Kapuso stars na sina Yasmien Kurdi, Thea Tolentino, Faith da Silva, at Jason Abalos.
Maraming netizens naman ang excited nang makilala ang iba pang artistang bibida sa “Las Hermanas” at inaabangan na rin nila ang magiging kwento ng bagong Kapuso drama series.
Ang “Las Hermanas” ay sa direksyon ni Monti Parungao.