DAHIL sa pandemya, mas umigting pa ang pagkabwisit sa plastik ni reigning Miss Eco Philippines Kelley Day.
Ito ang sinabi niya sa Inquirer sa isang maliit na pagtitipon na idinaos sa Taguig City kamakailan.
“There was a time during the pandemic when I had no direct access to potable water, so I was forced to buy bottled ones from the convenience stores close to where I live,” pahayag ng beauty queen.
At makalipas nga ang anim na buwan, napuno na ng plastik ang likuran ng kanyang sasakyan, kaya nagsimula siyang maghanap ng mga pasilidad na nagre-recycle ng mga plastik.
Ngunit naging mahirap ito para sa kanya. “How come we don’t have any convenient places to drop off bottles for recycling?” tanong ni Day.
Dahil dito, at sa mga nilahukan niyang beach clean up, tumindi ang paghahangad niyang kumilos upang makahanap ng pamamaraan na maisabuhay sa buong mundo ang mga gawaing makatutulong sa kalikasan.
Ito rin ang adhikain ng Miss Eco International pageant, ang patimpalak kung saan niya ibabandera ang Pilipinas. Kaakibat din ng pandaigdigang korona ang pagkakataong makipagtulungan sa United Nations (UN) bilang embahador para sa kalikasan, at sinabi ni Day na handa siya sa mas malaking papel na ito.
Nauna nang nagwagi sa naturang patimpalak ang kapwa niya Kapusong si Cynthia Thomalla, ang unang Pilipinang nakasungkit sa korona noong 2018.
Hinirang naman bilang unang Pilipinang Miss Eco International si Roberta Ann Tamondong noong Disyembre ng nagdaang taon.
Sinabi ni Day na kung papalarin siyang magwagi, at sa pakikipagtulungan sa UN, magtatayo siya ng mga recycling center para sa plastik.
May hiling din siya sa mga korporasyon, “As long as you sell products that use plastics, we need a place to have them recycled.”
Noon pang 2019 hinirang bilang Miss Eco Philippines sa Miss World Philippines pageant, at nakatakda sanang sumabak sa 2020 Miss Eco International pageant na itinakda sa unang kwarter ng nagdaang taon. Ngunit dahil sa pandemya, ilang ulit na naunsyami ang pandaigdigang patimpalak.
Sa panahong iyon, sinimulan n ani Day ang pag-aaral ng Biological Sciences online. Sumulat din siya ng mga awitin at nag-aral ng computer programming.
Nakasungkit din siya ng proyekto sa telebisyon kasama ang beteranong aktor na si Raymond Bagatsing at matalik na kaibigang si David Chua. Isang suspense-mystery ang programang wala pang pamagat sa ngayon.
Sa kasalukuyan, nakatutok pa si Day sa 2021 Miss Eco International pageant na itatanghal sa Sharm al-Sheikh sa Ehipto sa Abril 6.