Fanny Serrano muling na-stroke; Sharon iyak nang iyak habang humihiling ng dasal

MULING na-stroke ang celebrity stylist at make-up artist na si Fanny Serrano kahapon.

Umiiyak na ibinalita ni Megastar Sharon Cuneta ang nangyari sa kanyang kaibigan sa pamamagitan ng social media kagabi kasabay ng paghingi ng taimtim na dasal sa kanyang fans at followers.

Ayon kay Shawie, “massive stroke” ang nangyari kay Fanny at kasalukuyang sumasailalim sa kaukulang medical treatment sa isang ospital.

“It’s a private thing, supposedly, but there’s no way around it.

“I would really like to ask for your prayers because Tita Fanny Serrano had a massive stroke today. He is being treated. He is conscious,” pahayag ni Sharon sa kanyang Instagram post.

Aniya pa, “But please, I need prayers to work wonders, talaga. So please, please pray for Tita Fanny.

“I love him so much. He’s like family to me for three decades. Please pray for him and his healing,” dugtong pang mensahe ng singer-actress.

Noong 2016, isinugod din ang celebrity stylist sa Philippine Heart Center sa Quezon City matapos ma-stroke at nakaapekto umano ito sa kanyang “senses and motor skills.”

Makalipas ang ilang araw ng pagkaka-confine sa ospital, naka-recover din si Fanny Serrano o Felix Mariano Fausto Jr. sa tunay na buhay.

At isa pa rin si Sharon sa mga unang nagpasalamat sa paggaling ng kanyang kaibigan na itinuturing na rin niyang nanay-nanayan sa showbiz.

“I couldn’t be happier. Sabi ko kasi kay Kiko (Pangilinan), para akong mawawalan ng isa pang nanay. Kasi halos everyday kami magkasama niyan and talagang sabi ko, ano man ang sabihin mo, hindi ko matatawaran ang pagmamahal at loyalty ni TF (Tita Fanny) sa akin. As a friend? No way,” sabi ni Sharon sa isang panayam noon.

Wala pang ibinibigay na update ngayong araw ang pamilya ni Fanny tungkol sa kanyang health condition.

Binansagang “Pioneer of Beauty” sa Pilipinas, ilan sa mga celebrity clients niya na naging malapit na kaibigan na rin ay sina Sharon, Lorna Tolentino, Cherie Gil at marami pang iba.

Isa rin siyang part-time actor at negosyante. Noong 2013 ni-launch ang sarili niyang cosmetic line.

Read more...