Pabor si Palayan City Mayor Rianne Cuevas sa panukala ng kanyang partido, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na tumakbo si Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangalawang pangulo sa eleksyon sa 2022.
Naniniwala si Cuevas, secretary general ng PDP-Laban sa Nueva Ecija, na kailangan ito para maipagpatuloy ang mga patakaran at programa ni Duterte na siyang naging sanhi ng pag-unlad ng ekonomiya.
Binanggit pa niya ang pagsisikap ni Duterte na mapaunlad ang ekonomiya sa pamamagitan ng programang Build Build Build na lumikha ng empleyo sa harap ng epekto sa paggawa ng pandemya ng Covid-19.
Kaya para sa kanya, mahalagang makumbinsi si Duterte na tumakbo sa pagka bise presidente dahil para masigurong magpapatuloy ang programang nasimulan na niya.
Kasama na dito ang kampanya laban sa droga, ang programang magdala ng pangmatagalan na kapayapaan sa Mindanao at ang tuloy na kampanya laban sa mga rebeldeng komunista, ayon kay Cuevas.
Sinabi ni Cuevas na bilang Pangalawang Pangulo, maaring magiyahan ni Duterte ang kanyang kapalit at ito ay magiging susi sa pagpapatuloy ng kanyang mga programa.
Bilang mataas na lider ng PDP-Laban sa Nueva Ecija, nanawagan din si Cuevas sa kanyang mga kapartido na suportahan ang magiging desisyon ng Pangulo kung sino ang nararapat na maging kandidato sa pagka-Pangulo ng PDP-Laban sa 2022.
“Maaring hindi natin mabalikan ang simula, ngunit kaya nating baguhin ang pagtatapos,” sabi ni Cuevas mula sa isang quote ng kilalang author na si C.S. Lewis.
Samantala, sinabi rin ni Cuevas na siya rin ay hinihimok ng mga tao sa Nueva Ecija na tumakbo bilang gobernador.